ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 4, 2022
Mapapawi ang uhaw ng mga tagahanga ng Football sa pagbubukas ng 2022 Philippines Football League (PFL) handog ng Qatar Airways ngayong Linggo, Agosto 7, sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila.
Pitong koponan ang magtatagisan ng lakas at husay sa pangunguna ng defending champion United City FC. Susubukan agad ang kahandaan ng United City sa tampok na laban kontra sa Maharlika Manila FC sa 7:00 p.m. Bago nito, bubuksan ang liga ng tapatan ng Kaya FC Iloilo laban sa Azkals Development Team sa 4 p.m.
Magpapatuloy ang aksiyon sa Lunes sa pagitan ng Stallion Laguna FC at Mendiola FC 1991 sa 4:00 ng hapon sa parehong palaruan. Ang ika-pitong koponan na Dynamic Herb Cebu FC ay nakabunot ng liban at maglalaro sa susunod na linggo.
Simula ngayong taon ay iikot muli ang mga laro sa mga tahanan ng mga koponan. Maliban sa Rizal Memorial, may mga itinakdang laro sa New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac, Dynamic Herb-Borromeo Sports Complex sa Talisay City, Cebu at Iloilo Sports Complex sa Iloilo City.
Maglalaro ng apat na round robin o tig-24 beses ang bawat koponan para sa kabuuang 84 na laro na inaasahang matatapos sa Mayo, 2023. Ang may pinakamataas na kartada ang agad tatanghaling kampeon.
Ang kampeon ang magiging opisyal na kinatawan ng Pilipinas sa 2023-2024 AFC Champions League. Gagamit na ng bagong kalendaryo ang prestihiyosong torneo na magsisimula sa Agosto ng susunod na taon imbes na sa kinagawiang Marso.
Ang magtatapos ng pangalawa ang ipapadala sa 2023-2024 AFC Cup kasama ang kampeon ng 2022 Copa Paulino Alcantara United City. Kung sakaling kampeon din o pangalawa sa liga ang United City, ang magtatapos na pangatlo ay makakalahok sa AFC Cup bilang pangalawang koponang Pinoy.
Comments