ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 11, 2024
Saludo kami sa malakas na performance ng Philippine Women’s Curling Team sa Division B ng Pan-Continental Curling Championships sa Lacombe, Canada, nang masungkit ang fourth overall. (pscpix)
Lumikha ng kasaysayan ang Philippine Curling National Team at nag-kampeon sa 2024 Pan-Continental Curling Division B Championship sa Lacombe, Canada. Dahil dito, aakyat na ang mga Pinoy sa Division A sa 2025 at lalapit sa kanilang ultimong layunin na mapabilang sa 2026 Winter Olympics sa Milan at Cortina d’Ampezzo sa Italya.
Kinailangang lampasan ng #1 Pilipinas ang makapigil-hiningang finals kontra #3 Kazakhstan, 9-3. Tinalo ng mga Pinoy ang #4 Hong Kong sa semifinals, 6-1, habang ginulat ng Kazakhs ang paboritong #2 Jamaica, 10-3.
Walang bahid ang Pilipinas sa 10 laro sa elimination na tumakbo mula Oktubre 26 hanggang 31 kung saan ang unang apat ang tutuloy sa knockout crossover semifinals. Isa-isa nilang pinabagsak ang Saudi Arabia (15-0), India (10-2), Nigeria (18-2), Qatar (12-1), Puerto Rico (11-2), Brazil (8-1), Jamaica (7-5), Kenya (16-0), Hong Kong (9-4) at Kazakhstan (6-5).
Binubuo ang koponan nina Alan Frei, Christian Haller at magkapatid na Marc Pfister at Enrico Pfister at reserba Benjo Delarmente. Sunod nilang paghahandaan ang Ninth Asian Winter Games sa Harbin, Tsina sa Pebrero.
Pagkatapos ng Harbin ay tututok na sila sa Pre-Qualifier sa Oktubre bago ang pagbabalik sa 2025 Pan-Continental sa Nobyembre na qualifier din para sa World Championship. Ang Qualifier sa Olympics ay nakatakda para sa Disyembre at ang Olympics ay sa Pebrero.
Ang Curling ay nilalaro sa pamamagitan ng pagpapadulas ng isang malaking bato sa yelo. Ginagabayan ito habang winawalis ng mga kakampi ang dinadaanan hanggang makapasok at tumigil sa loob ng nakaguhit na bilog.
Nais ng koponan na subukan ng mga kababayan ang Curling lalo na at may mga palaruan sa mga mall. Ang apat na manlalaro ay nakatira sa Switzerland at may naipon na malawak na karanasan sa Europa bago magpasya na magbuo ng pambansang koponan.
Comentarios