ni Anthony E. Servinio @Sports | August 29, 2024
Magbabalik ang Azkals sa Philippine Football! Isang koponan na pangungunahan nina Stephan Schrock at Misagh Bahadoran ang magdadala ng tinitingalang pangalan sa Asia 7’s Championships ngayong Oktubre 9 hanggang 13 sa EV Arena Elmina sa Kuala Lumpur.
Haharapin ng Azkals ang mga kinatawan ng defending champion Japan,Tsina, Brunei, India, Hong Kong, Indonesia, Singapore at host Malaysia. Hahatiin sa dalawang grupo ang mga kalahok na maglalaro ng single round at ang dalawang may pinakamataas na kartada sa bawat grupo ay maghaharap para sa kampeonato.
Itinalagang head coach si Hamed Hajimehdi habang team manager si Patrick Ace Bright. Magkakaroon ng mga try-out sa Setyembre 7 at 8 sa McKinley Hill para makabuo ng 18 manlalaro kabilang ang dalawang goalkeeper.
Oras na mabuo ang koponan ay may inihahandang laro kontra sa mga artista at iba pang celebrity sa Oktubre 6 na magsisilbi rin bilang kanilang despedida. Inilalatag ang plano para maipalabas ang mga laro sa Pilipinas sa pamamagitan ng telebisyon o social media.
Kung siya ang masusunod, gusto ni Bahadoran na makasama muli ang kanyang mga naging kasabayan tulad nina Aly Borromeo at Daisuke Sato. Kahit sariwa pa ang kanyang paghayag ng pag-retiro sa professional Football, ipinaliwanag ni Schrock na bukas pa rin siya na sumubok ng ibang anyo ng Football tulad ng 7’s.
Nilinaw na ang paggamit ng palayaw ay may basbas nina Philippine Football Federation (PFF) Presidente John Anthony Gutierrez at Direktor para sa mga pambansang koponan Freddy Gonzalez. Kamakailan ay nagpasya ang PFF na hindi muna gamitin ang Azkals.
Tatayong Commissioner ng Asia 7’s si Anton del Rosario at tuloy ang kanyang paniniwala na magiging mabenta ang laro sa mga Pinoy dahil ito ay mabilis at maraming goal. Umaasa siya na ang natamasang tagumpay ng 7’s sa Pilipinas ay kumalat sa buong Asya.
Comments