ni Jasmin Joy Evangelista | November 11, 2021
Pinaalalahanan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bangko sa bansa at ang publiko na ang national ID ay sapat na bilang proof of identity para makapagbukas ng bank account ang isang indibidwal.
Sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na malaking tulong ang ginawa ng Philippine Identification System (PhilSys) ID dahil mas maraming mga Pinoy, lalo na ang mga marginalized at low income na makapagsimula ng pag-iipon ng pera sa bangko.
“PhilSys will help more Filipinos, especially the marginalized and low-income, to begin saving money in banks and other financial institutions,” ani BSP Governor Benjamin Diokno.
Ayon pa kay Diokno, ang nasabing national ID ay tutulong sa mas malawak na pagbubukas ng transactions lalo na ang mga basic deposit accounts.
Dahil dito ay maaaring tanggapin ng mga bangko ang PhilSys ID kapag ipinresenta ito physically o sa mobile formats at ito ay tatanggapin nang hindi na kailangan ng iba pang ID.
Isa rin aniyang gamit ng nasabing PhilSys ay para mapabilis ang paglipat ng bansa sa digital economy.
Bilang foundational digital ID system, kinokonsidera ng BSP ang PhilSys bilang “game changer” para sa financial inclusion kung saan karamihan ng mga Pinoy ay magkakaroon na ng access sa mas malawak na financial services.
Samantala, as of October, ang bilang ng transaction accounts na nabuksan sa pamamagitan ng co-location ng PSA registration sites at Land Bank of the Philippines account opening facilities ay umabot na sa mahigit 5.9 million.
Comments