ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 16, 2023
Nagtrabaho tayo hanggang sa pinakahuling minuto ng sesyon ng Senado noong December 13 sa pagtatapos ngayong taon. Sa ating sponsorship speech para sa Senate Bill No. 2514, o ang panukala para ma-institutionalize ang Philippine National Games, binigyang-diin natin ang mahalagang papel ng sports sa pag-unlad ng ating bansa.
Ipinaalala natin na sa ilalim ng Section 19, Article XIV ng 1987 Constitution, inaatasan ang pamahalaan na palaganapin ang physical education at sports programs para malinang ang disiplina, pagkakaisa at husay nang magkaroon tayo ng malulusog at alertong mamamayan.
Bilang chair ng parehong Committee on Sports at ng Committee on Health, sinisikap nating engganyuhin ang mga kabataan to get into sports and stay away from drugs to keep them healthy and fit. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.
Napakahalaga ng grassroots sports development para makatuklas tayo ng mga atletang may talento at puwedeng hasain pa para isabak sa international competitions. Kalimitan, dito nakikita sa grassroots ang mga potential national athletes natin. Dito rin naipapamalas ang magandang epekto ng sports sa paghubog ng ating lipunan.
Noong 1994 ay naglabas si dating Pangulong Fidel Ramos ng Executive Order 163 na nagdedeklara sa PNG bilang centerpiece program para sa national physical fitness and sports development effort ng pamahalaan. Pero tinukoy ko na mas mainam na maisabatas ito upang matiyak na mapapalakas ang grassroots sports development sa bansa.
Taun-taon kasi ay maliit lang ang natatanggap na budget para sa sports. At kada taon, ang mga mambabatas pa ang nagdadagdag ng budget para rito. Sa katunayan, sa panukalang budget para sa Philippine Sports Commission sa 2024, nasa P174 milyon lang ang naihain, o 0.004 percent lang ng proposed P5.768 trillion national budget.
Sinikap nating higit na madagdagan ito tulad noong nakaraang taon kung saan pinagtulungan namin ng mga senador na maglaan ng dagdag higit isang bilyong piso bilang suporta sa national athletes at sa grassroots sports programs.
Sa panukala na aking inisponsor at inakda kasama si Senate President Migz Zubiri at Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva, mas pinalawak at mas naging inklusibo ang ating national sports program dahil kabilang din dito ang ating para-athletes. Isa sa pinakamahalagang bahagi ng ating panukala ang pagtiyak na ang kinakailangang pondo para sa implementasyon ng PNG ay dapat nakapaloob na sa budget ng PSC kada taon.
Malaki rin ang magiging papel ng local government units sa ikapagtatagumpay ng PNG.
Ang mga probinsya, sa pakikipagtuwang ng mga lungsod at munisipalidad na kanilang nasasakupan, ay maaaring magbuo ng mga koponan at ipadala ang kanilang delegasyon sa qualifying competitions. Kung maisabatas, idaraos ang PNG kada dalawang taon para mas maraming atleta sa buong bansa ang makalalahok.
Magandang maisabatas na itong SBN 2514 para magkaroon ng mas siguradong plataporma ang ating aspiring athletes na maipakita ang kanilang husay at masiguro natin ang pagbibigay ng gobyerno ng prayoridad sa kumpetisyon na ito.
Bukod sa pagiging mambabatas, patuloy naman tayo sa paghahatid ng serbisyo sa iba’t ibang sektor.
Nitong nakaraang mga araw, masaya kong ibinabalita na ginanap ang turn over ceremony ng Sta. Margarita Super Health Center sa Samar na ating ininspeksyon noong April 2023. Nagkaroon rin ng groundbreaking para sa itatayong Super Health Center sa Balingasag, Misamis Oriental. Suportado ko, kasama ang DOH, LGUs, at kapwa mambabatas, ang patuloy na pagtatayo ng Super Health Centers para mailapit sa tao ang pangunahing serbisyong pangkalusugan.
Sa katunayan, nasa Victoria, Tarlac tayo noong December 13 para saksihan ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center doon kasama sina Governor Susan Yap, Vice Governor Carlito David, Congressman Christian Yap, Mayor Rex Villa Agustin, Vice Mayor Tristan Guiam, at iba pang local officials. Sinilip din natin ang naipatayong evacuation center doon kung saan ipinaglaban nating mapondohan ang naturang proyekto, sa pakikipagtulungan sa PAGCOR.
Naging guest speaker tayo noong December 14 sa ginanap na North Philippine Union Conference (NPUC) of the Seventh-Day Adventists Wide Ministerial Year-end Fellowship sa Adventist University of the Philippines sa Silang, Cavite. Nagpamahagi rin tayo ng ilang tokens para sa mga dumalo sa nasabing event. Anuman ang ating pananampalataya, tandaan natin na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kahapon, December 15, ay nakatanggap tayo ng parangal na Agape award mula sa Golden Globe Annual Awards for Business Excellence and Filipino Achievers.
Nagpasalamat tayo sa naturang parangal. May award man o wala, nakapokus tayo sa pagtulong sa ating mga kapwa Pilipino.
Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para tulungan ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 80 residente ng Brgy. Tagumpay, Coron, Palawan; 28 sa Ipil, Zamboanga Sibugay; at 13 sa Bacoor City, Cavite.
Nagkaloob din tayo ng tulong sa mga naging biktima ng mga bagyo kabilang ang 26 na residente sa Maitum, Sarangani Province; 468 sa Lebak, Sultan Kudarat; 130 sa Abulug, Cagayan; at 78 mula sa Oton, Leon, at Maasin sa Iloilo. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong pinansyal mula sa programang ating isinulong noon para may pambili ang mga benepisyaryo ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagpapaayos ng kanilang nasirang tahanan.
Natulungan din natin ang mga malilit na negosyante na apektado ng krisis. Sa Pangasinan, naayudahan natin ang 25 sa Urbiztondo, 27 sa Mangatarem, 119 sa Binmaley at Dagupan City, 48 sa Bautista, at 71 pa sa Calasiao. Nabigyan din ang 65 sa General Luna, Quezon Province; at 15 sa Maasim, Sarangani. Pinagkalooban din sila ng DTI ng livelihood kits.
Inayudahan naman natin ang mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 205 sa Tuguegarao City katuwang si Vice Governor Boy Vargas; 50 sa Pasig City katuwang si Councilor Kiko Rustia; 57 sa Mamburao, Occidental Mindoro, katuwang si Governor Eduardo Gadiano; 508 sa Mabini, Batangas katuwang si Congresswoman Jinky Luistro; 168 miyembro ng iba’t ibang sektor sa Nasipit, Butuan City, at Tubay sa Agusan del Norte katuwang si Gov. Angel Amante.
Naghandog din tayo ng dagdag suporta sa 150 TESDA graduates sa Danao City, Cebu.
Malapit na ang araw ng Pasko kaya ingatan nating lahat ang ating kalusugan. Ang maayos na kalusugan ang pinakamagandang regalo natin sa ating mga sarili at maging sa ating mga kapwa Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments