top of page
Search
BULGAR

PhilHealth, ‘wag hintaying magsara ang mga ospital!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | July 02, 2021



Nasa kalagitnaan na tayo ng taon, hanggang ngayon pa ba naman, PhilHealth pa rin ang ating pinoproblema?


Noong wala pang pandemya, nakaladkad na ang PhilHealth sa pagiging delingkuwente sa perang kontribusyon ng bawat miyembro. At ano’ng petsa na ngayong 2021, ospital naman ang namumroblema sa ahensiya dahil hindi pa sila binabayaran o pautay-utay ang pagbayad sa kanila ng PhilHealth!


Dahil sa dami ng mga kaso ng COVID-19, umaaapaw ang mga pasyente sa mga ospital, kinakapos ang mga kama at kung anu-ano pang hospital equipment. Eh, paano na ngayon ‘yan, may panibago at mas nakahahawang anyo ang COVID-19 na tinatawag na Delta variant?


Ayon sa idinulog sa aming tanggapan, nasa Php26 bilyon pa ang utang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital at sa mga government hospital naman, eh, daan-daan pang milyon. Nakadidismaya dahil ang mga perang ‘yan ay hindi magamit kahit pandagdag lamang sa mga kama sa mga ospital, napupurnada pa.


Hindi kasi buo ang ibinabayad ng PhilHealth. Kung naglabas man ito ng P6.3 bilyon at idinaan sa ipinagmamalaking Debit Credit Payment Method o DCPM, hindi naman binayaran ng ahensiya ang paggamot sa mga kaso ng COVID-19 noong nagdaang taon. Ano’ng mangyayari niyan, paano makakalaban ang ating mga ospital sa banta ng Delta variant?


Sampol nga niyan, eh, ‘yung PGH na Php2.56 milyon lang sa kabuuang Php615.7 milyong utang ang binayaran. Sa Philippine Heart Center naman, Php99.47 milyon lang ang bayad at may utang pa silang lampas Php100 milyon, habang sa Lung Center may utang pa silang Php304 milyon.


And take note, reklamo ng mga ospital nakalista sa online Reconciliation Summary Module o RSM na bayad na ang PhilHealth pero hindi pa nadedeposito sa kanilang bank account. Hello, ano ‘yun? Laru-laro lang ang mga numero?


Isa pang reklamo ng mga ospital ay nakasentro lang ang pagbayad ng PhilHealth sa National Capital Region (NCR) Plus bubble ng Metro Manila at karatig-probinsiya. Natatakot naman ang mga ospital na magsalita sa delayed na PhilHealth claims, baka raw kasi buweltahan naman ang kanilang mga ospital. Hay naku!


IMEEsolusyon natin ay dapat magsumite ang PhilHealth ng mas detalyadong report sa status o kalagayan ng mga sinasabing nabayaran na nila, pati ang mga hindi pa bayad, mga ipinadala nilang pera at ang aktuwal na natanggap ng mga ospital.


At plis, IMEEsolusyon naman PhilHealth para makapaghanda ang ating mga ospital sa iba’t ibang mas deadly virus, bayaran n’yo na! Bakit pa ba iniipit ang pondo? Dahil kung hindi n’yo babayaran ang mga ospital, mawawalan sila ng kakayanan na i-accept ang mga COVID-patients kung lolobo at kakalat ang mas mabagsik na Delta variant.


Kapag naubos naman ang pondo ng mga ospital, hindi malayo ang posibilidad na tuluyang silang magsipagsara! Domino-effect niyan, marami ang mamamatay at babagsak ang ekonomiya! Kaya PhilHealth ano na, kilos na! Magbayad na!

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page