ni Fely Ng @Bulgarific | Abril 14, 2024
Hello, Bulgarians! Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng pertussis o ubong dalahit sa buong bansa, pinaalalahanan ng PhilHealth ang publiko na sagot nito ang confinement para sa nasabing sakit.
Ayon sa World Health Organization, ang pertussis o kilala sa tawag na “whooping cough”, ay isang respiratory infection na sanhi ng Bordetella pertussis bacterium. Lagnat, ubo at sipon ang karaniwang sintomas nito na tumatagal ng ilang linggo o higit pa. Lubha itong nakahahawa at naipapasa sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing. Mga sanggol at mga batang hindi pa nababakunahan ng DTaP vaccine (Diptheria, Tetanus and acellular Pertussis) ang madalas tinatamaan ng sakit na ito, ngunit maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna at magagamot sa pag-inom ng antibiotic.
Hinikayat ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang mga mamamayan na magpakonsulta sa pamamagitan ng PhilHealth Konsultasyon Sulit at Tama (Konsulta) Package kung sila ay nakararanas ng mga sintomas ng pertussis gaya ng lagnat, ubo o sipon.
“Kung kinakailangan ng ating mga Kababayan na magpakonsulta, hinihikayat ko silang mag-avail ng libreng konsultasyon at mga gamot na irerekomenda ng healthcare provider sa ilalim ng PhilHealth Konsulta. Ang dapat lamang nilang gawin ay magparehistro,” aniya.
Ang PhilHealth Konsulta o Konsultasyong Sulit at Tama ay ang outpatient primary care benefit package na nagbibigay ng libreng konsultasyon, health screening at assessment, mga piling laboratoryo at diagnostic tests, at mga gamot na irerekomenda ng doktor.
Nagpahayag din ng suporta ang hepe ng PhilHealth para sa panawagan ng DOH na magpabakuna at binigyang diin ang kahalagahan ng preventive care, “Bakuna at early detection ang pinakamabisang panlaban sa pertussis. Hangga’t maaari ay siguruhin nating kumpleto sa bakuna ang mga bata at magkaroon ng regular na konsultasyon para maiwasan ang pagkakasakit.”
Para sa mga pasyenteng kinakailangang ma-confine, sinabi ni Ledesma na may benepisyo ang PhilHealth na nagkakahalaga ng mula P13,000 hanggang P19,000. “Batid namin ang mga alalahanin sa gamutan ng pertussis at nais naming tiyakin sa publiko na sagot ng PhilHealth ang pagpapagamot ng mga pasyenteng kailangang ma-confine sa ospital,” dagdag pa niya na kung sakaling magkaroon ng komplikasyon dahil sa sakit na ito gaya ng severe pneumonia, mayroon ding benepisyo ang PhilHealth para rito hanggang P90,100.
Hinimok ng PhilHealth ang publiko na ugaliin ang ibayong pag-iingat. “Patuloy nating gawin ang safety measures na ating nakasanayan noong panahon ng pandemya gaya ng madalas na paghuhugas ng kamay upang maprotektahan ang ibang tao lalo na ang mga bata. Tinitiyak ng PhilHealth na makatatanggap ng serbisyo ang mga pasyente habang nagpapagamot sa ospital.”
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
コメント