PhilHealth: Pag-asa o pasanin ng may sakit?
- BULGAR
- Apr 11
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Apr. 11, 2025

Nakalulungkot ang ibinunyag ni Supreme Court Associate Justice Jhosep Lopez sa oral arguments mahigit isang linggo na ang nakaraan patungkol sa isinagawang paglipat ng excess funds ng PhilHealth sa national treasury.
Hindi pa umabot sa isang porsiyento ng kanyang kinailangang bayaran sa ospital na halos pitong milyong piso, bunsod ng esophageal cancer, ang bahagi o ambag ng PhilHealth, ang state insurer.
Habang pinakikinggan ko ang pahayag ni Justice Lopez ay nanumbalik sa aking alaala ang sitwasyon ng aking ina sa ospital bago siya pumanaw bago magpandemya. Nasa 10 libong piso lamang ang share ng PhilHealth sa halos isang milyon niyang hospital bill.
Hapis ang dulot sa pamilya ng bawat Pilipinong maysakit ang mapagtanto na kapos at salat ang makakamit na tulong mula sa sistemang pangkalusugan ng pamahalaan sa sandali ng pangangailangan.
Kinakailangang palakihin pa ang tulong o subsidiya ng gobyerno sa bawat hospital bill ng mamamayang Pilipino, higit pa sa 18 porsiyentong inaasam na maibigay ng PhilHealth kalaunan.
Mabuti naman at nagbitiw na sa tungkulin ang dating hindi matimplang tagapanguna ng ahensya na si Emmanuel R. Ledesma, at napalitan ng kasalukuyang namumuno na pag-upo pa lamang ay nagparamdam na ng kanyang kartada.
Marami pang bubunuin ang gobyernong Marcos Jr. para maiangat ang kalidad ng sistemang pangkalusugan sa Pilipinas. Isa lamang diyan ang PhilHealth. Nariyan din ang panawagang bilisan ang pagtatayo ng mga maaasahan at ispesyalistang mga pagamutan sa iba’t ibang bahagi ng buong bansa, lalo na sa mga lugar na wala.
Pagpapa-check up pa lamang sa mga doktor ay mahal na at hindi na kaya ng mga minimum wage earner. Kaya naman nagse-self medicate na lamang ang karamihang kinakapos kaya lumalala na pala ang kanilang sakit ay wala pa silang kamuwang-muwang.
Hindi na tayo nagtataka kung bakit nag-uumapaw ang mga emergency room o ER ng mga pampublikong ospital gaya ng PGH. Sapagkat mapipilitan na lamang magpagamot ang ating mga kababayang may sakit kapag hindi na nila matiis ang nararamdaman o sila ay nag-aagaw-buhay na.
Hindi lamang ang gobyernong nasyonal, kundi maging ang mga lokal na pamahalaan ay malaki ang ambag sa pagpapalakas ng ating sistemang pangkalusugan. May mga ilan rin naman sa National Capital Region ang may mga sariling pinamamahalaang lokal na ospital kung saan libreng makapagpapagamot ang mga nasasakupan nito. ‘Yun nga lamang, grabe ang pilahan ng mga pasyente at may mga kulang na mga gamot na ang pamilya ng pasyente ang panaka-nakang kailangang bumili nito.
Sinasaluduhan ko naman ang pangkalusugang serbisyo ng siyudad ng Makati, partikular sa Makati Life Medical Center, isang pribadong pagamutan na ka-tie-up ng nasabing lokal na pamahalaan. 24/7 o bente-kuwatro oras buong linggo ang serbisyo nito sa medikal na konsultasyon at mga medical procedure.
Karapat-dapat namang bigyang pugay ang isang magaling na doktor sa nasabing ospital, si Dr. Joy D. Agoot. Ramdam ang kanyang malasakit sa kapwa at pagpupunyaging ibigay ang pinakamaayos na paglilingkod sa mga nagtutungo roong may iniindang karamdaman.
Nawa’y dumami pa ang mga doktor sa Pilipinas na katulad niya sa tapat na pag-aaruga at pagkalinga. Saludo rin sa mga medical staff at nurses na nag-aasikaso sa mga may sakit ng tila walang kapaguran at may ngiti sa labi.
Mahaba man ang lakbayin tungo sa pagbibigay-kalusugan sa mga Pilipino, bawat hakbang ay unti-unting pag-angat. Bawat kontribusyon ay kagaanan ng taumbayan. Pakatutukan ito ng puwersa at lakas ng buong pamahalaan!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments