ni Jasmin Joy Evangelista | January 20, 2022
![](https://static.wixstatic.com/media/d5927d_335f2f522a2746cea8c8e6c50eacb1dd~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/d5927d_335f2f522a2746cea8c8e6c50eacb1dd~mv2.jpg)
Inihayag ni Patricia Gomez ng Integrated Midwives Association of the Philippines (IMAP) sa isang panayam na halos nasa P180 milyon na ang utang ng PhilHealth sa mga kumadronang nagpapatakbo ng mga birthing clinic o paanakan.
“Ang mga private midwives natin ay may birthing clinic. So, PhilHealth accredited po ito sila. So, ngayon, ang problema, dahil 'no balance billing' 'di ba, hindi sila, what I mean, naniningil sa pasyente, ay of course, sisingilin nila sa PhilHealth kasi nga 'no balance billing' eh,” ani Gomez.
Tila naging paunti-unti umano ang bayad ng PhilHealth sa kanila.
“And in fact, Kabayan, ang dami na naming meetings eh. May pocket meetings kami sa mga regional VPs nila. Meron din kaming meeting dito sa national… Ang sabi nila ay, medyo, nung una, system problem. Tapos, sunod na naman, hindi ko alam na kung anong mga rason,” kuwento niya.
“So doon sa mga pocket meetings na ganoon din, ang aming sinasabi sa kanila, kasi sabi ni Atty. [Dante] Gierran lately, eh nasa kanila naman sa regional office naman yung pera, bakit hindi maibibigay.”
“Sa totoo lang po, accumulated namin na hindi nabayaran ng PhilHealth, kasi nagkaroon na po ng survey sa aming mga midwives, umabot na po ng mga almost P180 million po,” pahayag pa ni Gomez.
Sa ngayon ay nakikiusap umano sila sa PhilHealth na bayaran na ang utang nito kahit manlang sa mga paanakan sa lugar na nasalanta ng bagyong Odette.
“Ayokong umiyak kasi sa totoo lang, kawawa sila na kahit walang ilaw, walang tubig eh talagang ang serbisyo ay nandadyaan. Kaya lang sana, hinihingi namin kay President Gierran, na medyo i-expedite naman nila yung mga affected na areas kasi wala talaga sila, drained talaga sila.”
Nilinaw din ni Gomez na kahit pa bago ang pandemya ay may utang na sa kanila ang PhilHealth noong 2017 at 2018.
Ayon naman sa tanggapan ng corporate affairs ng PhilHealth, makikipag-usap muna sila sa IMAP para pagtugmain ang kanilang mga numero.
Comentários