ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | August 13, 2021
Malaki ang banta ngayon ng Delta variant sa ating bansa, kaya naman inilagay sa ECQ ang Metro Manila at may posibilidad pang palawigin ito ayon na rin sa Department of Health. Nakakatakot!
At sa harap nga niyan, patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19, at pinakamalaking naitala, eh, nitong Miyerkules na pumalo na sa 12,021 sa loob lang ng isang araw. Que horror!
Hindi malayong mas tumaas pa ang COVID-19 cases kaya marami na ring mga ospital ang puno, kasama na ang mga ospital sa Visayas at Mindanao na lumolobo na rin ang mga kaso ng mga tinamaan ng virus.
Dahil dito, nangangailangan ang mga ospital ng karagdagang hospital beds, mga oxygen tanks, PPEs at dagdag na mga nurses at hospital staff o healthcare workers. Pero limitado na at napakanipis na ng kanilang mga pondo. Eh, bakit kamo?
Numinipis ang pondo ng mga ospital dahil sa patuloy na hindi pagbabayad ng buo sa kanila ng PhilHealth. Eh, ang tanong, bakit matagal nang panahon, bigo pa rin ang ahensiya na magbayad ng buo?
Nagtataka naman tayo sa PhilHealth, sabi ng sabi na mayroon silang pera mula sa gobyerno, pati koleksiyon at buo rin daw ang kanilang reserve fund na P220 billion. Ano ang mga 'yan, press release lang? Ano ba?!
Kung patuloy na dededmahin ng PhilHealth ang responsibilidad nito sa mga ospital at pautay-utay pa rin ang gagawin ninyong pagbabayad gayung may pondo naman, IMEEsolusyon nating pananagutin kayo sa Senado. Pababalikin natin sila roon at tilad-tilarin natin ang detalye ng mga utang na hindi bayad.
Bubusisiin natin bawat sentimo bakit hindi pa rin nababayaran ang mga utang sa mga ospital gayung sila mismo ang nagdeklarang may pera naman kayo. Ano ba?! Plis naman, buhay ng bawat Pinoy ang nakasalalay sa hindi ninyo pagbabayad. Bakit hindi n'yo kayang bayaran ng buo gayung meron namang pondo? Aber, pakipaliwanag nga?
Commentaires