ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Feb. 18, 2025

Upang paigtingin ang paghahatid ng dekalidad na edukasyon pagdating sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) sa bansa, iminumungkahi ng inyong lingkod ang pagpapalawak sa Philippine Science High School (PSHS) System.
Isa ang inyong lingkod sa mga may-akda ng Senate Bill No. 2974 o ang Expanded Philippine Science High School (PSHS) System Act na layong italaga ang pagkakaroon ng PSHS System sa ilalim ng pamumuno ng Department of Science and Technology (DOST).
Sa ilalim ng ating panukala, hindi lalagpas sa dalawang PSHS campus ang itatayo sa bawat rehiyon ng bansa maliban sa National Capital Region (NCR), kung saan matatagpuan ang Main Campus ng PSHS ngunit isang PSHS campus lamang ang maaaring ipatayo kada probinsya. Sa kasalukuyan, merong 16 na campus ang PSHS System sa ating bansa.
Kung babalikan natin ang ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumalabas na 5,807 na mga kuwalipikadong mag-aaral ang hindi natutuloy mag-aral sa PSHS dahil sa kakulangan ng mga slots. At dahil dito, may mga kuwalipikadong mag-aaral na maaaring nangangarap maging mga scientist, mathematician, engineer, at mga dalubhasa sa ibang larangan ng STEM, ang napagkaitan ng pagkakataong makatanggap ng edukasyong magsisilbi sanang paghahanda para sa mga nais nilang maging karera.
Kaya naman napapanahon ang pagpapalawak natin sa PSHS System, lalo na’t gusto nating mabigyan ang mas maraming kabataan ng pagkakataong makatanggap ng dekalidad na edukasyon pagdating sa STEM. Nais nating tiyakin na maaabot natin ang mga kuwalipikadong mag-aaral na magsusulong ng inobasyon sa ating bansa. Sa ilalim ng ating panukala, ang mga qualified student mula Grade 7 hanggang 12 na papasok sa PSHS System ay magiging scholars.
Nakasaad sa ating panukala na 15 taon matapos maisabatas itong panukalang ito, maaaring magdagdag ng mga campus kung lalabas sa komprehensibong pag-aaral na kakailanganin nito. Maaari ring maging batayan ang mga pamantayan na itatalaga ng board of trustees, kung saan ang kalihim ng DOST ang magsisilbing chairperson habang magiging vice chairperson naman ang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Kung maisabatas at maipatupad ang ating panukala, tiwala akong wala nang kuwalipikadong mag-aaral ang mapagkakaitan ng pagkakataong makapasok sa PSHS dahil sa kakulangan ng mga slot. Mahalaga rin ito upang magkaroon ang bawat rehiyon ng mas marami pang mga scientist, engineers, mathematicians at ibang mga eksperto na tutulong sa pagpapaunlad ng ating bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentários