ni Jasmin Joy Evangelista | September 27, 2021
Hindi na makontak ng Senate blue ribbon committee si Krizle Mago, ang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na umaming sini-swindle ng kompanya ang gobyerno sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga "substandard" na medical supplies.
Ito ay ipinahayag ni Sen. Richard Gordon, chair ng komite, sa isang Twitter post.
Batay sa timeline na inilabas ng senate blue ribbon committee, hiningi ng komite noong Biyernes ang address ni Krizle Mago matapos nitong aminin ang "swindling."
Sumagot ito at sinabing makikipag-usap siya sa komite matapos ang hearing.
Ngunit nang i-follow up ng Senado ang lokasyon ni Mago, hindi na ito ma-contact.
Bukod pa sa pagbebenta ng substandard medical supplies, inamin din ni Mago na pinapalitan nila ang expiration date sa mga face shields.
Iginiit ni Mago sa hearing na siya ay makikipagtulungan sa imbestigasyon at inalok naman siya ng mga senador ng proteksiyon pero sinabing pag-iisipan muna ito.
Sinabi naman ni Sen. Risa Hontiveros na umaasa siyang sapat ang weekend para pagnilayan ni Mago ang alok na proteksiyon ng Senado.
“Marami ang nagri-reach out sa kanya dahil concerned kami sa kanyang well-being dahil parang siya'y naging o maaring maging whistleblower," ani Hontiveros.
Dalangin umano ni Hontiveros na ligtas si Mago at bukas pa ring makipagtulungan para sa katotohanan.
Comments