ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 24, 2021
Matapos ang matagumpay na 2020 Tokyo Olympics, masusubukan ang kahandaan at husay ng punong abalang Japan sa pagbubukas ngayong Martes ng 2020 Tokyo Paralympics sa Olympic Stadium simula 7:00 ng gabi, oras sa Pilipinas. Isa ang Pilipinas sa 163 bansa na nagpadala ng kinatawan at gagawin ng mga magiting na atletang Filipino ang lahat para mag-uwi ng bagong karangalan.
Gaya ng Olympics, limitado lang ang mga lalahok sa pambungad na parada ayon sa laki ng delegasyon. Itinalaga si Wheelchair Racer Jerrold Pete Mangliwan na tagadala ng watawat ng Pilipinas at sasamahan siya ng ilang piling opisyal.
Sa Miyerkules ang unang atletang Pinoy na lalaro sa katauhan ni Achelle Guion sa Women’s Powerlifting Under 45 kilos. Si Guion ay beterana ng 2012 London Paralympics kung saan nagtapos siya sa ika-walong puwesto sa noon ay Under 44 kilos. Ang flag-bearer na si Mangliwan ay sisimulan ang kanyang kampanya sa Agosto 27 sa 400M T52 at nais niyang higitan ang ika-pitong puwesto niya noong 2016 Rio Paralympics. Lalaro din siya sa 1,500M T52 sa Agosto 29 at 100M T52 sa Setyembre 3.
Ang kasama ni Mangliwan sa Athletics na si Discus Thrower Jeannette Aceveda ay lalaro sa Agosto 31. Ang 50-anyos na si Aceveda ay beterana ng 2018 Asian Para Games sa Indonesia kung saan sumabak siya sa Discus at Shot Put. Sa Agosto 27 din ang unang sabak ng pambato sa Swimming na si Ernie Gawilan sa 200M Individual Medley SM7. Sasali rin siya sa paboritong 400M Freestyle sa Agosto 29 at 100M Backstroke sa Agosto 30.
Apat na karera ang lalanguyin ni Gary Bejino simula sa 200M Individual Medley sa Agosto 26. Nakatakda rin siya sa 400M Freestyle S6 sa Setyembre 2 at 100M Backstroke S6 at 50M Butterfly S6 sa Setyembre 3. Si Allain Keanu Ganapin ng Taekwondo ang huling lalaro sa Setyembre 3 sa Under 75 kilos K44. Dahil dito, naiwan sa Pilipinas si Ganapin at Coach Dindo Simpao at susunod sila kapag malapit na ang araw ng kompetisyon bilang bahagi ng mahigpit na health at safety protocol.
Kailangan umalis agad ang mga atleta sa loob ng 48 oras ng pagwakas ng kanilang kompetisyon at limitado din ang kanilang mga galaw habang nasa loob ng Japan. Ang 2020 Paralympics ay tatakbo hanggang Setyembre 5.
Comments