ni Anthony E. Servinio @Sports | June 21, 2024
Laro ngayong Biyernes – Manahan Stadium
3:00 PM Pilipinas vs. Laos
Sasabak ang Philippine Men’s Football National Team sa 2024 ASEAN Football Federation (AFF) Under-16 Boys Championship ngayong Hunyo 21 hanggang Hulyo 4 sa Surakarta, Indonesia. Nagpakilala ang Philippine Football Federation ng 23 kabataan na produkto ng masinsinang pagtuklas sa buong bansa at ilang galing ibayong-dagat.
Kabuuang mahigit 1,100 ang nagbakasakali sa Metro Manila, Pampanga, Cavite, Cebu, Bacolod, San Carlos, Iloilo, Agusan del Sur, Davao, Koronadal at Dipolog. Ang huling 33 kandidato ay dumaan sa isang buwang kampo bago napili ang 23.
Ang koponan ay binubuo nina Rogelio Brizuela III, Rossen Comla, Zachary Dalman, Anthony Elorde, Jimm Fabela, Leonardo Garcia, Alexander Lomibao, Aarran Long, Michael Maniti, Mabien Manuel, Matteo Mercado, Peter Mirasol, Joshua Moleje, Edvard Omitade, Jimuel Panganiban, Tobias Paulino, Francis Poticano, Elijah Sarana, Matthew Steen, Filbert Tacardon at mga goalkeeper Austin Dilodilo, Enrique Sunico at Mateo Veloso. Ang head coach ay si Yuki Matsuda.
Nabunot ang mga Pinoy sa Grupo A at una nilang haharapin ang Laos ngayong Biyernes sa Manahan Stadium simula 3:00 ng hapon. Ang iba pa nilang asignatura ay kontra defending champion at host Indonesia (Hunyo 24) at Singapore (Hunyo 27).
Ang Grupo B ay binubuo ng Vietnam, Myanmar, Cambodia at Brunei habang ang Grupo C ay Thailand, Malaysia, Timor Leste at Australia. Ang mga numero uno sa tatlong grupo at ang may pinakamataas na kartada sa mga magtatapos ng pangalawa ay tutuloy sa knockout semifinals at finals sa Hulyo 1 at 4.
Puntirya ng Pilipinas na makapasok sa semifinals ng torneo sa unang pagkakataon. Noong 2022, naitala nila ang nag-iisang panalo sa Singapore subalit yumuko sa host Indonesia at Vietnam.
Comments