PGH, nakatanggap ng P22.8M mula sa PhilHealth
- BULGAR
- 2 days ago
- 2 min read
ni Fely Ng @Bulgarific | Apr. 17, 2025

Nasa larawan sina (L-R) PhilHealth VP for NCR Dr. Bernadette Lico, AMI beneficiaries Jose Brozo, Juvy Busayong (asawa ng pasyenteng si Jose Busayong), Dennis Garcia, PGH Medical Director Dr. Legaspi at Deputy Director Dr. Margaret Lat-Moon.
Hello, Bulgarians! Mahigit Php22.8 milyon ang naibigay sa Philippine General Hospital (PGH) noong Abril 11, 2025 ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ito ay bayad sa unang batch ng mga claim sa PhilHealth’s benefit package para sa Ischemic Heart Disease-Acute Myocardial Infarction (IHD-AMI), isang sakit na karaniwang kilala bilang atake sa puso. Tatlong buwan lamang pagkatapos ng pagpapahusay nito, ang package ay naging kapaki-pakinabang sa hindi bababa sa 77 claim para sa mga heart attack patient noong Marso 2025.
Present si PGH Medical Director Dr. Gerardo D. Legaspi para tumanggap ng tseke mula kay PhilHealth Acting President and CEO Dr. Edwin M. Mercado sa simpleng ceremonial turnover sa PGH.
“Sa ibinigay pong pagkakataon na ma-improve ang service to heart attack patients, record high ang ating serbisyo — wala na pong charity na heart attack patient ngayon. Iyan ang improvement na gusto nating makita. And I think with this current administration of PhilHealth, we will be seeing more of that,” wika ni Dr. Legaspi.
Kinilala rin niya ang walang patid na suporta ng PhilHealth Regional Office–NCR, sa pangunguna ni Dr. Bernadette Lico na naroroon din sa kaganapan, sa pagtiyak na ang mga pasyente ng PGH ay nararapat na makatanggap ng financial risk protection na ibinibigay sa kanila ng PhilHealth.
Dumalo rin ang ilan sa mga pasyente at kanilang mga pamilya na benepisyaryo ng package — isa rito ay si Juvy B. Busayong, asawa ng pasyenteng si Jose Busayong mula sa Calamba City, Laguna.
“At first, hesitant kami kasi alam naman natin kapag narinig natin angiogram expected na natin na expensive,” patotoo niya, “pero one of the doctors nagsabing may package na ang PhilHealth at wala na kaming babayaran. Siyempre, natuwa kami! Napakalaking pribilehiyo na kami ay makatanggap ng ganoong package. Gusto naming magpasalamat sa PhilHealth sa package na ibinigay dito sa amin. Sana po ay marami pa kayong matulungan at marami pang buhay ang ma-save.”
Binigyang-diin uli ni Dr. Mercado ang pangako ng PhilHealth na ilapit ang mga serbisyong pangkalusugan na nagliligtas-buhay sa bawat Pilipino sa pamamagitan ng pagtiyak ng agarang pagbabayad ng mga claim sa mas maraming ospital.
“Ang P22.8 milyong bayad na ito sa PGH ay simula pa lamang. Kami ay iikot pa sa iba’t ibang mga rehiyon para ating personal na tiyakin ang mabilis na pagpoproseso at pagbabayad ng claims para sa mga serbisyong ipinagkaloob ng ating mga ospital sa mga miyembrong may sakit sa puso,” pahayag ni Dr. Mercado.
Ang IHD-AMI benefit package ay nag-aalok ng coverage hanggang Php523,853 na maaaring ma-avail sa lahat ng accredited Levels 1 hanggang 3 public at private health facilities na may kakayahang maghatid ng mga kinakailangang serbisyo.
Para sa karagdagang impormasyon sa pinahusay na Ischemic Heart Disease-Acute Myocardial Infarction package, maaaring tawagan ang PhilHealth 24/7 touch point sa (02) 866-225-88 o sa mobile number (Smart) 0998-8572957, 0968-8654670, (Globe) 0917-1275987 or 0917-1109812.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
Comments