top of page
Search
BULGAR

Pfizer COVID vaccine, sa July pa puwede

ni Lolet Abania | January 6, 2021




Nakatakdang maglabas ng desisyon ang Food and Drug Administration (FDA) patungkol sa emergency use authorization para sa aplikasyon ng COVID-19 vaccine ng American firm na Pfizer sa darating na January 14, 2021.

Ito ang inanunsiyo ni FDA Director General Eric Domingo matapos na pukulin ng maraming kritisismo ang Duterte administration kaugnay sa pagpapabakuna ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ng COVID-19 vaccines na hindi pa rehistrado ng FDA.


Sa Laging Handa briefing ngayong Miyerkules, sinabi ni Domingo na nag-submit na ang Pfizer ng kanilang EUA application sa FDA noong December 23, 2020, at ang ahensiya naman ay nagpadala na rin ng clarificatory questions sa kumpanya noong January 4, 2021.

Ang Pfizer at BioNTech, kung saan partner sa Pfizer application sa pag-develop ng COVID-19 vaccine, ay inaasahang magsumite ng kanilang tugon bukas, January 7.


Ang FDA at ang Vaccine Experts Panel sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST) naman ay magsa-submit ng kanilang rekomendasyon sa January 10, bago pinal na magdesisyon sa EUA application ng Pfizer sa January 14.


“Ang puwede lang po mag-apply ng EUA ay iyong mga bakuna na nabigyan na rin ng EUA sa bansa kung saan sila galing. Hindi puwedeng dito unang gagamitin ang bakuna (na ginawa sa ibang bansa),” sabi ni Domingo.


Dagdag ni Domingo, sa kasalukuyan, ang Pfizer lamang ang nag-submit ng EUA application sa FDA.

“Wala pong nakatambak na EUA application sa FDA,” mariing sabi ni Domingo.

"Sa limang bansa pa lang po nag-apply ng EUA, kasama po ang Pilipinas," sabi pa niya.

Napatunayan nang ang Pfizer-BioNTech’s COVID-19 vaccine ay tinatayang 95% effective matapos ang isinagawang mga human trials, kung saan sinigurado na rin ang EUA sa United States, Canada, United Kingdom, Singapore at iba pang bansa.

Gayunman, ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr., ang nasabing Pfizer-BioNTech vaccine ay magiging available lamang sa July ngayong taon dahil sa kakulangan ng supply nito sa buong mundo.

“Pfizer po kasi ang most in-demand COVID-19 vaccine,” ani Galvez.

Ayon naman kay National Task Force Deputy Chief Implementor Vince Dizon, inaasahang mababakunahan ang tinatayang 50 milyon hanggang 70 milyong Pinoy laban sa COVID-19 ngayong taon.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page