ni Mary Gutierrez Almirañez | May 19, 2021
Pinaaalalahanan ang publiko ng Metro Manila Center for Health Development na magparehistro muna bago pumunta sa COVID-19 vaccination site upang maiwasan ang mahabang pila at patuloy na maipatupad ang social distancing, ayon kay Director Gloria Balboa ngayong araw, May 19.
Kaugnay ito sa nangyaring pila sa ilang vaccination sites sa Metro Manila, kung saan karamihan sa mga pumunta ay nag-walk-in o pumila kahit hindi naka-schedule, kaya may ilang senior citizens at persons with comorbidity ang umuwi na lamang.
Sabi pa ni Balboa, "'Wag po silang pumunta kung hindi pa sila naka-schedule kasi bawat vaccination center, mayroong limit na puwedeng bakunahan for that day... Alam naman natin 'pag pila at ‘di ma-maintain ang social distancing, malaki ang risk na naman na kakalat ang sakit."
Matatandaang dinagsa kamakailan ang rollout ng Pfizer COVID-19 vaccines at ngayo’y ubos na ang suplay sa ilang lungsod.
Bagama’t limitado ang suplay ay kapansin-pansing mas dinumog ang bakunang gawa ng America, kumpara sa ibang brand na inaaloka sa katabing vaccination site, sapagkat hindi ganu’n kahaba ang pila roon nu’ng araw na ‘yun.
Gayunman, tiniyak ni Balboa na ligtas gamitin ang kahit anong brand ng COVID-19 vaccines.
Sa ngayon ay hinihikayat din niya ang publiko na tanggapin ang anumang available na bakuna laban sa virus dahil lahat iyon ay epektibo at aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).
Comments