ni Lolet Abania | January 26, 2023
Simula sa Pebrero 1, papayagan na ang mga alagang hayop sa Light Rail Transit Line 2 (LRT2), ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA).
“Beginning February 1, puwede nang magdala at magsakay ng ating mga pets sa mga istasyon at tren ng LRT Line 2,” ani LRTA administrator Hernando Cabrera sa isang televised public briefing ngayong Huwebes.
Gayunman, sinabi ni Cabrera na ang mga alagang hayop ay dapat na fully vaccinated at nasa loob lamang ng cage nito para maiwasan ang posibleng kaguluhan at makaistorbo sa ibang mga pasahero.
Kailangan ding malinis at nakasuot ng diaper ang mga pets na dala ng mga pasahero. May partikular lamang din na sizes ng mga alagang hayop na papayagan dahil maaaring mahirapan na maipasok ang mga malalaking pets sa loob ng mga istasyon, banggit ni Cabrera.
Aniya pa, ang karaniwang polisiya sa mga pet-friendly establishments ay ipapatupad sa LRT2. Ayon kay Cabrera, pinapayagan na ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) ang mga pets sa kanilang mga istasyon simula pa noong 2021.
Makikipag-ugnayan naman rin sila sa pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT1) para gawin na rin ang parehong hakbang. Ang LRT2 ay nag-o-operate sa 13 stations mula Recto Avenue sa Manila hanggang Antipolo City.
Comentarios