ni Mylene Alfonso @News | October 6, 2023
Kumpiyansa ang mga mambabatas na huhupa na ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa mga darating na buwan.
Ayon kay House Ways and Means Chair Joey Sarte Salceda, ang naitalang 6.1% inflation rate sa buwan ng Setyembre ay epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo at bigas.
Ani Salceda, inaasahang huhupa na ang inflation rate ngayong Oktubre dahil sa pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan at pagsunod sa rice price ceiling na ipinatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi rin ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio 'Dong' Gonzales, Jr. na inaasahan ang pagbaba ng inflation rate sa nalalabing bahagi ng taon.
Ipinaliwanag ni Gonzales na bagama't nagawang kontrolin ng gobyerno ang presyo ng bigas, masyadong maliit ang magagawa nito sa presyo ng produktong petrolyo na inaangkat mula sa ibang bansa.
Aniya, mayroong mga ginagawang paraan ang gobyerno upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng bilihin sa mga mahihirap at sektor ng transportasyon.
Naniniwala naman si House Committee on Agriculture and Food chairperson Mak Enverga na naabot na ang pinakamataas na inflation rate noong Setyembre at inaasahan na ang pagbaba nito.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang inflation rate noong Setyembre ay 6.1% mas mataas kumpara sa 5.3% na naitala noong Agosto. Ang year-to-date inflation ng bansa ay nasa 6.6% na.
Comments