ni Gerard Arce @Sports | July 31, 2024
Didiretso patungo sa round-of-16 si Tokyo Games silver medalist Nesthy Petecio kasunod ng impresibong 5-0 unanimous decision panalo kontra Jaismine Lamboria ng India sa women’s under-57kgs division, habang hindi naman pinalad na maipagpatuloy ni Olympic bronze medalist Eumir Felix Marcial ang kanyang pangarap na ginto sa Olympiad matapos higitan ni Hangzhou Asian Games bronze medalist Turabek Khabibullaev ng Uzbekistan sa bisa ng unanimous decision sa men’s 80kgs category, Miyerkules ng madaling araw sa North Paris Arena sa Roland Garros sa Paris, France.
Hindi pinalampas ng 2019 World champion ang pagkakataon na maipamalas nito ang mahuhusay na galaw at banat na upak sa Indian boxer upang makamit ang desisyong iginawad ng mga huradong sina Yermek Suiyenish ng Kazakhstan, Jongjin Kim ng South Korea, Jakov Peterson ng Estonia, Shawn Reese ng US at Mouhsine Souilmi ng Morocco upang umusad sa Sabado ng madaling araw sa ganap na alas-2:00 kontra sa crowd-favorite na si Amina Zinadi ng France na may hawak ng Bye at No.3 seed.
Tatangkain ni Petecio na mahigitan ang runner-up finish ng nagdaang Olympics laban sa 2023 World Championships bronze medalist at 2023 European Games titlist na tinitingnang magiging matinding laban. Subalit tiwala naman si women’s head coach Reynaldo Galido na kayang malampasan ng 32-anyos mula Santa Cruz, Davao del Sur ang French boxer dahil wala umanong pinapalampas at kinikilalang kalaban sa ibabaw ng ring ang two-time Southeast Asian Games champ.
“Hindi nangingilala yang si Nesthy. Warrior yang si Nesthy, hindi naman baguhan yan, gusto nga niya na kahit sino aariin niya,” pahayag ni Galido sa post-fight interview rito. “Actually, ilang beses na namin naka-sparring yan sa Bulgaria, Thailand, gusto nila ka-sparring si Nesthy eh, sa tingin namin maganda naman ang gawa namin dito, proud siya.”
Comments