ni Lolet Abania | November 25, 2022
Malaking suliranin ang kinakaharap ng mga magsasaka sa Pangasinan dahil sa pamemeste ng mga harabas sa kanilang mga pananim na mais.
Batay sa report, matindi ang pag-atake ng mga tinatawag na fall armyworms o harabas sa mga pananim sa Sta. Barbara, Pangasinan, habang apektado ang mahigit sa 30,000 magsasaka sa lugar.
Gayundin, problemado ang mga magsasaka at pinag-iisipan nila kung paano mapipigilan ang pagsalakay ng mga naturang peste sa kanilang mga tanim na mais.
Ngayong taon, aabot na umano sa 10% ng mga maisan sa lalawigan ang inatake ng fall armyworm na sumisira sa kanilang mga pananim.
Gayunman, mula noong 2019 na nagsimulang mameste ang harabas, tuluy-tuloy naman ang pagsisikap ng Department of Agriculture (DA) para mapuksa ito na pumipinsala sa mga tanim na mais ng mga magsasaka.
Agad ding binigyang solusyon ito ng DA sa lugar, kung saan isa sa pinakamalaking producer ng mais sa bansa ang Ilocos Region. Nasa tinatayang 4 hanggang 5 metric tons ng mais ang napo-produce ng naturang rehiyon, anang ahensiya.
Ayon sa DA, patuloy silang nagpapamahagi sa mga corn farmers ng iba’t ibang pest control para tuluyang mapuksa ang pesteng harabas.
Bình luận