top of page
Search

Perwisyo ng RFID

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 2, 2022


Hindi pa tayo umaabot sa matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ay itinayo na ang mga expressway para makatulong ng malaki na mapabilis ang biyahe ng ating mga kababayan, lalo na ‘yung mga patungong lalawigan.


Panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. ay nakita na niya na darating ang kasalukuyang sitwasyon kaya naitayo ang North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX) , na naging simula rin ng paglawig pa ng mga proyektong nag-uugnay dito.


Bawat sasakyang dumaraan sa expressway ay nagbabayad ng cash bago makatawid sa tollgate, ngunit sa paglipas ng panahon ay dumami na ang sasakyan, kaya kinailangang bilisan ang sistema kaya naisipang maglagay na ng Radio Frequency Identification (RFID) para maging cashless na ang pagdaloy ng mga sasakyan.


Huli man daw at magaling, naihahabol din dahil isa na lamang tayo sa buong mundo na huling nagpatupad ng teknolohiyang ito. Maganda ang intensyon, ngunit paulit-ulit namang nakikita na tila palpak ang implementasyon. Ilang taon na ang RFID system, ngunit hindi talaga pulido dahil sa halip na dapat makatulong sa bilis ng daloy ng mga sasakyan, ang obserbasyon ng publiko ay dahilan pa ito para lalong bumagal ang daloy ng trapiko dahil karaniwang hindi gumagana ang kanilang RFID-linked electronic toll tag reader.


Ito ‘yung sensor na nagbabasa sa RFID para magbukas ang tollgate barrier, ngunit dahil hindi gumagana ang naturang sensor ay nagdudulot ito ng napakahabang pila ng mga sasakyan kasi kailangan pang ipakita ang ID at manu-manong titingnan ng teller. Nagiging wala nang pinagkaiba ito sa pagbabayad ng cash. Ngunit dahil wala nang teller sa mga booth, kailangan pang maghintay ng staff na pupunta para basahin ang card. Bunga nito ay mas nagtatagal ang proseso.


Ang masaklap, hindi lahat ng motorista ay nakahanda ang card dahil umaasang gagana ang RFID kaya kapag hinanap ito ay dagdag-oras din ito bawat sasakyan—hindi tulad kung magbabayad na lang ng cash dahil malayo pa ay nakahanda na ang driver sa kanyang ibabayad, kaya mas mabilis pa.


Mismo ay personal nating nararanasan ang perwisyo sa tuwing dumaraan sa Coastal Road maging sa Skyway. Dahil sa hindi maayos na RFID reader ay saksakan ng haba ng pila ng mga sasakyan lalo pa ngayong magpa-Pasko.


Kaya ngayon kung daraan ang motorista sa kahit saang expressway ay kailangang agahan ang alis ng bahay dahil imbes na serbisyo ay perwisyo ang dulot ng mga ito dahil sa hindi maasahan nilang tag reader na naturingang tag reader pero ayaw magbasa dahil may sumpong.


Napakatagal nang problema ito sa RFID na paulit-ulit pero hindi matugunan ng maayos kung paano ito ireresolba ng tollway operators na Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC) at San Miguel Corporation (SMC), kaya nananawagan tayong seryosohin at mag-upgrade ng sistema para makasabay sa makabagong panahon.


Ang MPTC ang nagpapatakbo sa NLEX, Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Manila-Cavite Expressway (CAVITEX), C5 Link at Cavite-Laguna Expressway (CALAX). Ang SMC naman ang namamahala sa SLEX, Skyway, NAIA Expressway (NAIAX), Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX), Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) at Star Tollways na lahat ay may problema sa RFID-linked electronic toll tag reader.


Noong kasagsagan ng pagpapatupad ng RFID sa NLEX ay sangkatutak na problema ang ating naranasan, ngayon ganito rin ang kinahaharap na problema ng Skyway O&M Corporation (SOMCO) dahil sila ang itinalaga ng Toll Regulatory Board (TRB) na mangalaga sa South Metro Manila Skyway Projects (SMMS).


Noong Nobyembre 17, hindi rin gumana ang Autosweep RFID na nagdulot ng sobrang haba ng pila ng sasakyan sa South Luzon Expressway (SLEX) na umabot pa umano hanggang Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway, ganyan kagrabe.


Sa ibang bansa ay may tollways din, ngunit ang kanilang reader ay nakatawid sa buong kalaparan ng kalsada at hindi kailangang mag-menor pa ang mga sasakyan. Wala nang mga tollgate dahil lahat ng sasakyang dumaraan ay awtomatikong nasisingil na dahil napaka-sensitive at maaasahan ang kanilang tag reader. Ang mga dumaraan namang wala nang load o hindi kaya’y walang RFID ay pinadadalhan na lang ng ticket na may kaukulang singil at multa.


Sa Valenzuela City naman, ipinag-utos ng pamahalaang lokal na dapat nakataas lahat ng toll gate barrier sa kanilang nasasakupan at lahat ng sasakyang dumaraan ay tuluy-tuloy lang—kung mabasa ang RFID tag ng sasakyan ay awtomatikong masisingil, ngunit kung hindi ay pasensya.


Dapat sa lahat ng tollgate sa buong bansa ay ipatupad ang sistema sa Valenzuela City dahil ito lamang ang tanging paraan para mabilis ayusin ng mga tollway operators ang kanilang palpak na sistema. Napakamahal nang binabayaran ng publiko para gamitin ang mga daan, hindi pa maisaayos ang kaukulang serbisyo. Paniningil na nga lang, hindi pa magawa ng tama. Hindi kasalanan ng mga may ari ng sasakyan kung hindi maayos ang kagamitan ng mga toll operators na ito kaya hindi dapat ang publiko ang mabalam at maperwisyo.


Ngayon, heto naman ang Toll Regulatory Board (TRB), dahil posible umanong maipatupad sa Enero 15, 2023 ang Phase 2 ng Toll Interoperability Project para mas mapadali ang transaksyon ng mga motoristang dumaraan sa mga tollways.


Sa ilalim ng Phase 2 ay puwede nang magamit ng mga motorista ang Easy trip RFID tag sa Auto Sweep System vice versa na malaking hakbang umano para mas mapabilis pa ang serbisyo sa mga expressways.


Maganda ang hakbanging ito, pero wala itong kinalaman sa problema ng mga motorista sa mga tollways kung hindi ang hindi maayos na RFID-linked electronic toll tag reader na dapat mas unahing ayusin o gawing international standard.


Noong Hunyo lang ay nagtaas-singil ang mga tollway operators at nakakuha tayo ng impormasyon na kasabay ng mga bago nilang gagawing pagbabago ay hihirit na naman ng dagdag-singil.


Marahil hindi napapanahon ang balaking dagdag-singil hangga’t hindi naisasayos ang serbisyo—dapat hindi muna sila maningil hangga’t hindi ayos at pulido ang sistema dahil hindi natutuwa ang publiko sa paulit-ulit na problemang ito.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page