ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 23, 2023
Nakilala na ang person of interest sa kaso ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon matapos itong huling makitang nasa Lemery, Batangas, ayon sa Police Regional Office (PRO) 4A nitong Lunes.
“As per [Regional Director Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas], yes po,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran, ang hepe ng PRO 4A Public Information Office, nang tanungin kung mayroong person of interest (POI) sa kaso.
Tumanggi si Lucas na magsabi ng karagdagang impormasyon tungkol sa naturang person of interest.
“Tuloy-tuloy pa din po ang pangangalap ng mga impormasyon para mas matukoy po yung pagkakakilanlan ng POI,” dagdag ni Gaoiran.
Huling nakita ang kandidata ng Miss Grand Philippines 2023 na si Catherine Camilon na nasa isang mall sa Lemery noong Oktubre 12.
Ayon sa ina ng beauty queen, may kikitain sana si Catherine sa Batangas City, ngunit hindi ito dumating.
Nag-utos si Batangas Police Provincial Office Director Police Colonel Samson Belmonte ng "intensified efforts in tracing and gathering information" hinggil sa kinaroroonan ni Catherine.
Dagdag pa ng pulisya, "stations and units across Batangas Police Province are working together with the Tuy Municipal Police Station in searching for any trace or information."
Si Catherine ay kinatawan ng Tuy, Batangas sa patimpalak na Miss Grand Philippines 2023.
“Ang sinumang may mahalagang impormasyon ukol kay Catherine Camilon ay maaring mag-ulat sa Tuy Municipal Police Station sa pamamagitan ng kanilang Station Hotline 0998-598-5711."
Comentarios