ni Mary Gutierrez Almirañez | April 21, 2021
Nilinaw ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na hindi kailangan ng permit upang isagawa ang community pantry sa Kyusi, bagkus ay isang guidelines na dapat sundin ng mga residente at bawat organizer upang maiwasan ang pagkukumpulan sa pantry na maaaring magdulot ng hawahan sa COVID-19.
Batay sa naging panayam kay Belmonte ngayong umaga, "Maybe we should have some guidelines at least. The barangay can provide you with needs that you might have difficulty in providing for yourself.”
Iginiit din niya ang seguridad na puwedeng ibigay ng kanilang lungsod sa bawat community pantry.
Aniya, “For example, security. The barangays can help with that. We can also have somebody look at the food as well because we have to take care of food safety... but other than that, ayoko talaga magkaroon ng regulation.”
Sa ngayon ay bukas na muli ang Maginhawa Community Pantry. Matatandaang isinarado iyon kahapon ng organizer na si Ana Patricia Non dahil nangangamba ito sa seguridad ng mga volunteer workers bunsod ng red-tagging at iba pang insidente.
Sa kahiwalay na panayam nama’y nanawagan si Non kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, "President Duterte, nananawagan po ako na sana, maging wake-up call po na hindi po sapat ang kita ng Pilipino, ang ayuda at tulong po. Sana po, nakikita natin na hindi naman po sila pipila kung hindi kailangan. Nararanasan po siya sa buong bansa."
Kaugnay nito, kaagad namang binawi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño ang inirekomendang permit sa bawat mag-oorganisa ng community pantry.
Sabi pa ni Belmonte, “This is something that grew and sprung out of community love so dapat as much as possible, the government must stay away from this... para the people can do their good acts.”
Ipinaliwanag din niya kung bakit hindi siya pumupunta sa Maginhawa Community Pantry, "Purposely, hindi ko siya binisita kasi ayoko maging epal. Ayokong mahaluan 'yung ginagawa niya ng pulitika kasi ang dalisay-dalisay ng kanyang intention, ng kanyang ginagawa."
Sa kabuuan ay mahigit 70 community pantries na ang inoorganisa sa Quezon City.
Comments