top of page
Search
BULGAR

Permanente, ligtas at maayos na evacuation centers para sa mga apektado ng kalamidad at sakuna

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 24, 2023

Hindi nawawala sa akin ang pag-aalala sa kalagayan ng ating mga kababayan na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon at iba pang kalamidad o sakuna na hinaharap ng ating bansa.


Kaya naman noong June 22 ay binisita ko ang Tabaco City at bayan ng Malilipot sa probinsya ng Albay at personal kong inalam ang kanilang kalagayan. Nakipag-ugnayan tayo sa kanilang mga lokal na opisyal at nakiusap sa kanila na unahin lagi ang kaligtasan ng mga nasasakupan, at siguraduhin na maayos ang kalagayan ng mga evacuees.


Mahirap kumilos kapag wala sa sariling tahanan at may kinakaharap pang kalamidad na hindi alam kung kailan matatapos. Apektado maging ang pinagkukunan ng kabuhayan.


Kaya ipinakiusap ko rin sa mga awtoridad na importante na walang magugutom sa ating mga kababayan habang hindi pa bumabalik sa normal ang sitwasyon.


Napakahirap at kawawa ang kalagayan ng mga kababayang apektado ng mga ganitong sitwasyon.


Kaya isinusulong ko sa Senado ang Senate Bill No. 188. Layunin ng panukalang ito na itatag ang Department of Disaster Resilience na tututok sa pagtugon sa natural disasters. Kung makapasa at tuluyang maisabatas, itutuon ng DDR ang atensyon nito sa tatlong mahahalagang aspeto ng disaster response — ang disaster risk reduction, preparedness and response, at recovery.


Importante na mayroon tayong departamento na nakapokus at may klarong mandato pagdating sa ating disaster resiliency efforts. Sa pamamagitan ng DDR, mas mapapabuti rin natin ang kakayahan at operasyon sa pamamahala at pagresponde sa mga darating na krisis. Hindi puwedeng laging task force lamang dahil temporary lang ito at nawawala ang continuity kapag nagpalit na ng administrasyon. Mahirap din kung mananatiling coordinating council lang ang mamamahala sa ganitong sitwasyon dahil sa kakulangan ng kapangyarihan nito.


Dapat ay departamento sana na may Cabinet-level secretary ang in-charge para may kapangyarihan at kakayahang i-mobilize ang buong gobyerno kapag kinakailangan.


Magkakaroon siya ng personalidad na diretsong isasangguni sa kapwa niya department secretaries ang pangangailangan ng mga taong apektado ng krisis. Dapat may point person talaga na may awtoridad at malinaw na mandato.


At dahil laging problema ng mga apektado ng kalamidad kung saan sila pansamantalang maninirahan, na kadalasan ay sa mga silid-aralan kaya malaking abala sa pag-aaral ng mga estudyante doon, inihain ko rin sa Senado ang SBN 193. Kung makapasa at maging ganap na batas, layunin nito na magtayo ng permanente, ligtas, at maayos na evacuation centers sa bawat munisipalidad, lungsod, at lalawigan sa buong bansa. Kumpleto ito sa mga pangunahing pangangailangan ng mga evacuees gaya ng pagkain at tubig, at mga pasilidad gaya ng maayos na tulugan, lutuan at banyo.


Ilan lamang ito sa mga panukalang batas na aking inihain sa Senado para maging one-step ahead tayo sa mga kalamidad at sakuna na palagiang dumadalaw sa bansa.


Bagaman at hindi natin masasabi kung kailan ito darating, ang mahalaga ay laging handa tayo. Hindi puwedeng madalas na lang tayong nabubulaga dahil ang mga kababayan natin, lalo na ang mga mahihirap, ang mas nahihirapan.


Samantala, sa ating pagbisita sa Albay ay isinabay na rin natin ang paghahatid ng iba pang serbisyo. Sa Tabaco City ay personal nating pinagkalooban ng tulong ang 250 mahihirap na residente, gayundin ang 151 evacuees. Nakatuwang natin sina Governor Grex Lagman, Congressman Edcel Lagman, Mayor Krisel Lagman-Luistro, Vice Mayor Nestor San Pablo, at Sangguniang Panlalawigan Members Victor Ziga Jr., Rey Bragais, Dante Arandia at iba pang opisyal.


Ininspeksyon din natin ang Super Health Center sa lungsod, kung saan nakatayo ito sa loob ng resettlement area ng National Housing Authority sa Bgy. San Vicente. Ang naturang housing project ay sinimulan noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para mabigyan ng pabahay ang mga biktima ng Bagyong Rolly noong 2020. May lawak itong 20 ektarya at nasa 2,361 housing units ang itinayo. Ang mga nakatirang benepisyaryo sa resettlement area ay ilan lang sa makikinabang kapag naging operational na ang Super Health Center.


Pagkatapos, dumiretso din tayo sa bayan ng Malilipot at tinulungan ang 221 evacuees na kasalukuyang nasa Malilipot Central School katuwang sina Mayor Cenon Volante, Bgy. Captain Ignacio Bobis at iba pang opisyal.


Kahapon, June 23, ay dinaluhan natin ang 48th Annual Directorate Meeting and National Convention of the Geodetic Engineers of the Philippines Inc. na ginanap sa SMX Convention, Lanang, Davao City. Noong June 21 ay dumalo tayo sa ginanap na 3rd National Summit of Philippine Society of Medical Laboratory Scientists (PSMLS) Inc. sa Winford Hotel, Sta. Cruz, Manila. Bilang kanilang guest speaker sa parehong pagtitipon, suportado natin ang mga sektor na ito bilang kabalikat ng ating pamahalaan sa pagsulong at pag-unlad ng ating bansa.


Bumiyahe rin tayo sa Bulacan at sinaksihan ang groundbreaking ng San Rafael Super Health Center, at namahagi ng ayuda sa 1,000 mahihirap na residente katuwang si Mayor Cholo Violago at iba pang opisyal noong Hunyo 21.


Hindi naman tumitigil ang aking relief team sa pag-alalay sa ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Maagap na natulungan ang 21 residenteng biktima ng sunog sa Bgy. Cabacungan, La Castellana, Negros Occidental. Napagaan natin ang dalahin ng 1,000 na mahihirap na residente ng Bustos, at 600 pa sa Obando, mga lugar sa Bulacan. Hindi rin kinaligtaan ang 96 sa Bataan. Nakatanggap din ng tulong ang 180 TESDA trainees sa Mandaue City, Cebu na nakakumpleto ng kanilang pagsasanay.


Hindi po ako titigil sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan anuman ang panahon at sitwasyon para matulungan sa abot ng aking makakaya lalo na ang mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.


Pangalagaan natin ang buhay at kalusugan ng bawat Pilipino. Ipagpatuloy natin ang pagtutulungan at bayanihan. At sa panahon ng kalamidad, magmalasakit tayo at mag-abot ng ating makakayanang suporta sa mga apektado.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page