top of page
Search
BULGAR

Pera ng bayan, gamitin sa serbisyong mabilis, naaabot at maaasahan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 6, 2024

 

Ang dalangin ko ngayong 2024 ay maging mas matatag pa ang diwa ng bayanihan sa ating mga Pilipino. 

 

Sana ay patuloy na mangibabaw ang pagmamalasakit sa isa’t isa lalo na para sa mga higit na nangangailangan, mga helpless at hopeless nating mga kababayan.


Noong December 20, 2023 ay nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P5.768 trillion national budget para sa taong 2024. Kaugnay nito, nanawagan tayo sa Department of Health na tiyakin ang tamang implementasyon at maingat na paggamit ng pondo para mapangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipino, partikular ang nakalaan sa pagpapatayo ng Super Health Centers — na isa sa aking mga ipinaglaban at suportado ng aking mga kapwa mambabatas, DOH at mga lokal na pamahalaan. 


Ngayong taon ay 132 bagong Super Health Centers, ang napondohan bilang bahagi ng General Appropriations Act of 2024 na ating isinulong noon sa Senate budget deliberations bilang chair ng Senate Committee on Health at vice chair ng Senate Committee on Finance. Ang bilang na ito ay magiging karagdagan para sa 307 SHCs na napondohan noong 2022, at 322 naman nitong 2023.


Patuloy akong tutulong sa pagpaparami ng Super Health Centers sa bansa sa abot ng aking makakaya. Ang apela ko lang sa DOH, siguraduhin na magamit ang pondo nang tama at hindi masayang. Ipinaglaban natin na mapondohan ang pagpapatayo ng Super Health Centers sa iba’t ibang sulok ng bansa. Sana naman ay maimplementa ito nang maayos at sa lalong madaling panahon para mapakinabangan ng mga mahihirap dahil para sa kanila ito. 


Sa mga itinayo nang Super Health Centers, nakita namin kung gaano kalaki ang naitutulong nito sa komunidad lalo na sa rural areas. Iyan ang layunin ng mga Super Health Centers, ang ilapit sa mamamayan ang serbisyong medikal ng gobyerno.


Nakatutulong din ito para mabawasan ang bilang ng mga pasyente sa mga ospital dahil nagagawa na rito ang libreng konsultasyon sa tulong ng municipal health offices, local government units, at ng Philippine Health Insurance Corporation sa ilalim ng kanilang Konsulta program.


Kabilang sa mga serbisyong kayang ipagkaloob ng Super Health Centers ang database management, outpatient care, birthing facilities, isolation wards, diagnostics (tulad ng X-rays and ultrasounds), pharmacy, at maging ambulatory surgical units. Nagkakaloob din ito ng specialized services para sa EENT, oncology, physical therapy, rehabilitation, at telemedicine kung saan maaaring magpakonsulta ang pasyente sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono.


Naisabatas na rin ang Republic Act 11959, o ang Regional Specialty Centers Act noong August 24, 2023. Tayo ang naging principal sponsor nito sa Senado, at isa sa mga may akda. Ipinag-aatas ng naturang batas ang pagpapatayo ng Regional Specialty Centers sa mga existing DOH regional hospitals. Ang mga specialty centers na ito ay nakapokus sa specialized treatments para sa mga karamdamang gaya ng sakit sa puso, bato, baga, utak, gulugod at lung, brain, spine, problema sa mga buto gayundin ang mental health, at iba pang espesyalisasyon. Hindi na kailangang lumuwas pa ng pasyente at magkaroon ng dagdag na gastos sa mga specialty hospitals na karamihan ay nasa Metro Manila.


Sabi ko nga, bakit pa natin pahihirapan ang mga Pilipino? Ang budget ng gobyerno ay pera ‘yan ng mga Pilipino na dapat ibalik sa kanila sa pamamagitan ng serbisyong mabilis, naaabot at maaasahan lalo na pagdating sa kanilang kalusugan. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Karapatan nila na makakuha ng nararapat na serbisyong medikal mula sa gobyerno upang mapangalagaan ang kanilang buhay. 


Bukod naman sa kalusugan ng mga Pinoy, bilang chair ng Senate Committee on Sports, ipinaglaban din natin ang dagdag na pondo sa ating national budget para patuloy na masuportahan ang mga programang pampalakasan. 


Bilang chair ng dalawang komite sa Senado, gusto kong bigyang-diin na konektado ang health at sports. Isa sa paraan para labanan ang ilegal na droga ay sa pamamagitan ng sports. Ang sports ay hindi lamang isang larangan ng kumpetisyon o libangan. Malaki rin ang papel ng sports sa paghubog sa ating kabataan para sa nation-building. Gaya ng madalas kong sabihin, get into sports and stay away from drugs to keep us healthy and fit. ‘Pag tayo ay fit, healthy tayo. ‘Pag healthy tayo, hahaba ang ating buhay at magiging mas produktibo tayo. 

Ngayong 2024, patuloy lang tayo sa paghahatid ng tulong sa ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Naghatid ang aking Malasakit Team ng tulong sa mga naging biktima ng sunog kamakailan sa Davao City kabilang ang 15 residente ng Calinan, at 42 naman sa Matina. 


Masaya ko ring ibinabalita na noong January 4 ay isinagawa na ang groundbreaking ng Outpatient Department Building ng Dr. Jorge P. Royeca City Hospital sa General Santos City, na sinaksihan din ni Mayor Lorelie Pacquiao. Ang naturang proyekto ay sinuportahan at ipinaglaban nating maisulong. 


Kahapon, January 5, nagkaroon na rin ng groundbreaking para sa itatayong Super Health Center sa Brgy. Lun Padidu sa Malapatan, Sarangani Province, habang idinaos naman ang inagurasyon sa itinayong Super Health Center sa Brgy. Ampayon, Butuan City na akin ring nainspeksyon noong June 2023.


Sa mga nasabing events ay namahagi rin ang aking Malasakit Team ng food packs para sa ilang mga kababayan natin sa lugar na iyon.


Simulan natin ang Bagong Taon na bukas ang puso para sa mga kababayan nating pinakangangailangan. Sa abot ng aking makakaya ay patuloy akong magmamalasakit at magseserbisyo sa kapwa ko Pilipino. Tulad ng turo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa akin, kapag inuna mo ang kapakanan at interes ng ating mga kababayan, hinding-hindi ka magkakamali. Naniniwala rin ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.

 

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page