ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | April 30, 2024

After its last film na Shake, Rattle & Roll Extreme na ipinalabas noong Nobyembre, 2023, muling mananakot ang Regal Entertainment, Inc. sa kanilang first cinema offering ngayong taon na Bantay-Bahay, a horror-comedy movie mula sa direksiyon ni Jose Javier Reyes, na pagbibidahan ng theater actor/comedian na si Pepe Herrera.
Kahapon ay nagkaroon na ng mediacon ang nasabing pelikula na dinaluhan nina Direk Joey (via Zoom) at Pepe.
Naka-relate si Pepe sa kuwento ng Bantay-Bahay na tungkol sa mga elementong nagbabantay sa bahay dahil halos ganito rin daw ang kanilang ancestral home sa Caloocan.
“'Yung ancestral house kasi namin sa Caloocan, malapit sa Monumento, I think, 1950s pa siya. Medyo related siya sa Bantay-Bahay, marami nang ‘nakitira’ na hindi namin nakikita.
“So, as early as 5 years old, hapon pa ‘to, may nagpakita sa ‘king maliit na... hindi ko masabing bata, pero maliit na creature,” kuwento ni Pepe.
“Meron kaming maliit na grotto ru’n and I thought, may sakit lang ako pero it transformed into a little creature, eh. And then, it went on hanggang pagtanda namin. Kahit ‘yung mga kapatid ko, either makakarinig sila or makakakita. Iba’t ibang members ng family, even visitors of the house,” dagdag pa niya.
Samantala, naniniwala naman si Direk Joey sa kakayahan ni Pepe na magdala ng sariling pelikula dahil alam niyang mahusay itong komedyante at theater actor.
“Dream come true para sa akin na maidirek ko si Pepe.
“Sa teatro pa lamang, fan na fan na ako ni Pepe, tapos napanood ko na ang ilang pelikula niya before, so I’ve been wanting to direct him,” ani Direk Joey.
Nang gawin daw nila itong Bantay-Bahay ay si Pepe lang daw talaga ang artistang puwedeng makagawa ng pelikula.
“Kung makikita n'yo ‘yung pelikula, it’s practically a one-man show, the whole movie is Pepe Herrera. So, kailangan ko talaga ng... hindi putsi-putsi, kailangan ko talaga ng magaling na artista na may disiplina at kayang gawin ang demand ng role,” paliwanag nito.
Masayang-masaya naman si Pepe na makatrabaho si Direk Joey, at puring-puri niya ang sistema nito sa pagdidirek.
“Si Direk Joey, bukod sa naging kaibigan ko siya sa pelikulang ito, I can say without bias na ‘yung sistema niya ang pinakamagandang naranasan ko. Hindi lang sa pandemic, outside pandemic. Nag-i-start kami ng 10 AM lagi, tapos natatapos kami kung hindi 10 PM, mas maaga pa.
“Sobrang smooth ng sistema niya. Sobrang ganda ng pre-production niya na I hope, maraming production ang mahawa or gumaya sa ganitong sistema.
“I’m very grateful na makatrabaho ko siya,” dagdag pa ng comedian-theater actor.
Anyway, kasama rin sa Bantay-Bahay sina Casie Banks, Johannes Rissler, Melizza Jimenez, Karl Gabriel at Rolando Inocencio.
Comments