top of page
Search
BULGAR

Pensyon, tiyaking sapat at walang palya

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 24, 2023



Isa sa mga kukumbinse para rito na sa bansa mamalagi at magtrabaho ang ating mga kababayan ay ang pagkakaroon ng aasahang sapat at hindi papalyang pensyon sa

sandaling sila ay magretiro.


Sa mga naglilingkod sa pamahalaan, nakakatanaw na sila ng higit na pag-asa sa gitna ng itinaas nilang mga suweldo mula noong mga nakaraang taon na magiging basehan ng kanilang buwanang pensyon sa darating na panahon.


Ayon sa kanilang suweldo ng huling tatlong taon at sa haba ng kanilang paglilingkod sa gobyerno, kukuwentahin ang halaga ng kanilang matatanggap na pensyon at lump sum mula sa Government Service Insurance System o GSIS. Kung nakakumpleto ng maximum na taong pagsisilbi sa pamahalaan, makakakuha ang miyembro ng hanggang 90 porsyento ng kanilang suweldo bilang pensyon sa kanilang pagtanda.


Hindi katulad noong araw na napakagulo ng talaan at record ng GSIS ukol sa mga miyembro, ngayon ay malaki na ang iniayos nito. Dati, kung anu-anong utang ang nakatala kahit nabayaran na at pinapadalhan pa ng sulat ng paniningil ang mga miyembro na talaga namang nakakagalit. Ngunit, malaki na ang naayos sa computer system at IT ng GSIS kung kaya marami na ang naeengganyong manatili sa pamahalaan sa pagtanaw sa kanilang benepisyo sa dapithapon ng kanilang buhay. Sana ay maayos pa nito ang lahat ng kailangang ayusin para sa kapakanan ng mga miyembro at kanilang pamilyang walang ibang aasahan kundi ang ipinangakong benepisyo ng pamahalaan.


Samantala, tila mas maliit naman ang aasahang pensyon ng mga nasa pribadong sektor mula sa Social Security System (SSS) kumpara sa mga kasapi ng GSIS. Pero ang maganda naman sa SSS ay makakatanggap ang isang miyembro ng pensyon matapos lamang ang 120 na hulog pagdating ng edad na 60. At ngayon ay may lump sum na rin ang maaaring matanggap ng kuwalipikadong kasapi mula sa SSS sa kanilang pagreretiro.


Ang kasalukuyang SSS President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet ay dati ring president at general manager ng GSIS. Noong siya ay nasa GSIS, marami siyang naresolbang hamon at natugunang suliranin ng mga miyembro. Kaya’t marami ang umaasang ang husay na ipinamalas niya sa GSIS na dinadala niya sa SSS ay makapagpapabuti sa sistema ng seguridad para sa kapakanan ng mga nasa pribadong sektor. Sapagkat sila man din ay kailangang alagaan at bigyang proteksyon tulad ng mga kawani ng gobyerno. Sa kasalukuyan, kulang na kulang ang tinatanaw nilang pensyon para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan sa kanilang pagtanda.


Samantala, nagtungo kami kamakailan sa SSS Diliman branch na nasa tapat ng Land Transportation Office sa East Avenue para samahan ang lumapit sa ating may suliranin.


Agad namang nabigyan ng kasagutan ang aming mga katanungan at nasolusyunan ang aming mga inilapit, sa tulong ng SSS Diliman branch head na si Ginoong Leo Danao, at ni Ginoong Jasper de Guzman, acting assistant branch head. Hangad natin na magpatuloy pa ang mas mabuting serbisyo ng SSS sa ilalim ng pamamahala ng beteranong si Macasaet, at lahat ng miyembro ay masigasig na mapaglingkuran.


Kailangan nila ng walang humpay na serbisyo.

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page