top of page
Search
BULGAR

Pension Loan Program, para sa mga SSS retirement pensioner

@Buti na lang may SSS | September 8, 2024


Buti na lang may SSS

Dear SSS, 

 

Magandang araw! Nais kong ilapit ang nanay ko na isang retirement pensioner ng SSS. Mayroon bang iniaalok na loan program para sa mga pensioner nito. Magkano naman ang loanable amount at ilang taon itong babayaran? Salamat. — Chris


 

Mabuting araw sa iyo, Chris! 


Para sa kaalaman ng ating mga pensyonado, ang Pension Loan Program (PLP) ay isang loan program o pautang na binuksan noong Setyembre 2018 para sa mga retiradong pensyonado o retirement pensioners. Layunin ng nasabing programa ang makapagbigay ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng isang pautang na may mas mababang interes. Batid naman natin na kailangan Chris ng iyong ina at ng ating mga pensyonado ng karagdagang financial assistance para sa kanilang mga pangangailangang medikal, atbp. 


Dagdag pa rito, ang PLP ay nagsisilbing alternatibo sa mga private lending institutions na nagbibigay din ng pautang na may mataas na interest rates at ginagamit na kolateral ang ATM cards ng mga pensyonado.


Upang makahiram sa ilalim ng PLP, kinakailangan lamang na matugunan niya ang mga sumusunod na kondisyon:


  • hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;

  • walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensyon, gaya ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS;

  • walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package (CAP); at

  • tumatanggap na ng regular na pensyon na hindi bababa sa isang (1) buwan.


Online na ang pag-file ng application sa PLP sa mga first-time borrower o magre-renew ng kanilang pension loan. Kinakailangan lamang na siya ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Kinakailangan ding ibigay ng iyong ina ang kanyang contact number o aktibong mobile number, kabilang ang kanyang SSS UMID-ATM o kaya’y ang Union Bank Quick Cash Card para rito.


Maaaring makahiram ng katumbas ng tatlo hanggang 12 beses ng kanyang tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1,000 additional benefit na ibinigay noong 2017. Subalit, hindi ito hihigit sa P200,000 na siyang maximum loanable amount na ipinapahiram sa ilalim ng PLP. Dagdag pa rito, ang net take-home pension o matitira sa inyong buwanang pensyon ay hindi dapat bababa sa 47.25%.


Samantala, ang pension loan na katumbas ng tatlong beses ng inyong tinatanggap na buwanang pensyon ay babayaran ninyo sa loob ng anim na buwan; kung katumbas naman ng anim na beses ng inyong buwanang pensyon, maaari ninyo itong bayaran sa loob ng 12 buwan. Kung ang nahiram na pension loan ay katumbas ng siyam o 12 beses ng buwanang pensyon, maaari naman itong bayaran ng hanggang 24 buwan o sa loob ng dalawang taon. 


Ang isang kagandahan ng programang ito ay ang pagkakaroon ng credit life insurance ng borrowers. Kung sakali mang pumanaw ang nangutang na pensyonado at dahil dito ay hindi na nito maituloy ang pagbabayad ng kanyang loan, sa ilalim ng credit life insurance, babayaran ng isang insurance company ang natitirang utang ng pensyonado sa SSS.

***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page