ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Jan. 8, 2025
Katatapos nitong Martes ng pinakabagong edisyon ng taunang Metro Manila Film Festival o MMFF, bagama’t magpapatuloy sa linggong ito ang pagpapalabas sa mga sinehan ng mga pinakatanyag sa mga kalahok dito.
Matapos ang ilang taon na palagi na lang kinarindihan ng pihikang mga manonood ang mga palabas ng kada MMFF, tila nanumbalik ang filmfest na ito kahit papaano sa kataliman ng kasaping mga pelikula noong panahon ng Martial Law, kung saan ang mga kalahok ay may kabuluhan at nakapupukaw ng isipan ng mga tumatangkilik sa mga obrang pang-pinilakang tabing.
Kahit nga naman hindi ubod ng lalim ng tema ng mga kalahok sa kasalukuyang MMFF, mapapansing hindi rin nuknukan ng babaw ang mga palabas dito, kahit ang ilan sa mga kasaling artista ay kilala sa pagpapatawa o pagpapaiyak sa pamamagitan ng pag-arte at linyang gasgas o may kabaduyan. Bagkus ay mas may katinuan sa kanilang bagong pinagbibidahan at tila nakinig sila, sa wakas, sa mga kritikong umasang hindi susuklian ang mga mahilig magsine ng mga paandar na nakapapailing imbes na nakahuhumaling.
Kung kaya’t nakakatuwang makita na marami ang nagtiyagang pumila sa mga takilya nitong nakaraaang panahon ng paglinya ng mga inaanak para makatanggap ng aginaldo mula sa kanilang mga ninang at ninong.Anuman ang kategorya ng sampung MMFF 2024 na mga pelikula at ang iba’t ibang kuwentong nakapaloob sa mga ito, magigisnan na nagkakapareho sila sa paglalarawan ng karaniwang tema ng pagtutunggali ng kabutihan at kasamaan.
Pero imbes na karaniwang salpukan ng mala-bayaning bida at mala-demonyong kontrabida, naipamalas na ang pagiging mabuti at pagiging masama ay tila magkahalo’t patuloy na nagbabanggaang mga puwersa sa anumang aspeto ng buhay — sa kalooban man ng bawat tao, sa kapaligiran o sa lipunan.
Iminumungkahi ng kung hindi man lahat ay karamihan sa MMFF 2024 entries na, halimbawa, hindi lahat ng mga bilanggo ay lubos na makasalanan at hindi lahat ng marikit ang kaanyuhan ay dalisay ang asal. Kumbaga, ang pangunahing mga pelikula nitong nakaraang filmfest ay mga malikhaing pagpapatunay ng walang hanggang kasabihan na huwag husgahan ang sinuman base sa kanilang panlabas na anyo — gaya ng mga manonood na disente ngunit nakaiirita dahil maya’t maya tumitingin sa kanilang telepono sa kahabaan ng palabas.
Ang isang kagandahan sa pistang ito ng pelikulang Pilipino ay ang masisiyasat na paalala na ang mga kuwento, hango man sa katotohanan o sadyang kathang-isip lamang, ay sumasalamin sa atin. At gaya ng anumang salamin, makatutulong ito na makita natin ang ating mga sarili at maunawaan kung ano ang nakikita sa atin, at ano ang ating naipapakita, sa madla.
Tuloy, ano man ang ating magiging reaksyon sa ating masasaksihan sa mga sine ay repleksyon ng ating pag-unawa sa sarili o sa isa’t isa. Kaya naman natatawa tayo sa katangahan o kabulastugan, titili tayo sa mga kahindik-hindik na katatakutan, makukunsumi sa nakagagalit na nilalang o kilos, mapapangiti at baka mapaluha sa pampaantig ng damdamin.
Ang posibleng resulta nito, na ebidensiya ng patuloy na kapangyarihan ng pelikula, ay mapapaisip tayo kung paano pa magiging mabuti at umunlad at, sa mas magandang banda, lalo pang makatulong sa iba.
Ngunit bukod diyan at sa anumang kapupulutang aral o kuro-kuro sa mga nagisnan ng libu-libo sa atin nitong Kapaskuhan, naipaunawa sa atin ng laman ng matagumpay muling MMFF na hindi lang marami ang posibleng mga kuwento na maikakatha ng mga manunulat at bubuhayin ng mga direktor at iba pang mga manggagawa sa industriyang pelikula.
Higit pa rito, naipabatid nang banayad sa mga tagamasid na ang bawat tao ay hindi lang istorya; ang bawat tao mismo ay isang kuwento.
Sinuman tayo, ano man ang ating kalagayan at kahit kaunti lang ang nakakakilala sa atin, ay may kani-kanyang salaysay, may talambuhay na, bagaman may kahalintulad sa ilang mga anggulo, katangian o karanasan, walang siyento-por-siyentong kaparis sa kasaysayan ng sangkatauhan. Kung tatanawin natin ang isa’t isa hindi lamang bilang tao kundi bilang masigla’t maalab na kuwentong may halaga, maliit man o malaki, sa pag-ikot ng mundo, marahil ay mas gaganda ang magiging pagtanaw at pakikitungo natin sa bawat isa.
Kung tatratuhin natin ang kahit hindi kadugo o kakilala bilang mahahalagang bahagi ng buhay at ng bansa, marahil ay maiwawaksi natin ang panlilinlang, pang-aabuso o pananamantala sa kapwa at tuluyang matatamo ang maaliwalas at malawakang katiwasayan at kapayapaan hindi lamang para sa iilan kundi para sa lahat.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Commenti