ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 21, 2022
Nagulantang ang 2022 NBA Playoffs matapos makuha ng bisitang New Orleans Pelicans ang Game 2 kontra sa numero unong Phoenix Suns, 125-114, kahapon sa Footprint Center. Tabla na ang seryeng best-of-seven, 1-1, salamat sa halimaw na inilaro ni Brandon Ingram sa second half.
Saglit inagaw ng Suns ang lamang, 98-97, at 7:47 ang nalalabi subalit sinagot ito ng shoot ni Ingram at 3-points ni CJ McCollum upang ibalik ang abante sa Pelicans, 102-98. Lalong ginanahan ang New Orleans at dumagdag ng 10 puntos si Ingram at lima kay McCollum upang pigilin ang mga banta ng Phoenix.
Nanguna si Ingram na may 37 puntos, 14 sa 3rd at 12 sa 4th quarter, na may kasamang 11 rebound at siyam na assist at sumunod si McCollum na may 23 puntos. Uminit para sa 31 puntos sa first half si Devin Booker, subalit hindi na nasundan ito matapos mapilay sa hita at lumabas na may 4:35 pa sa 3rd quarter at abante ang Pelicans, 77-74.
Bumomba ng 45 puntos si Jimmy Butler upang maging susi sa 115-105 panalo ng numero unong Miami Heat sa bisitang Atlanta Hawks. Lamang na ang Miami sa serye, 2-0, at lilipat na ang mga laro sa Atlanta para sa susunod na dalawang laro.
Kumilos ang Heat sa 2nd half at inakyat sa 16 ang lamang, 94-78, at 8:50 sa orasan. Mula roon ay nagbagsak ng 9 na puntos si Butler upang alagaan ang lamang at lampasan ang personal na marka sa playoffs na 40 puntos noong Game 1 ng 2020 East semifinals laban sa Milwaukee Bucks. Bumawi sa kanyang 25 puntos si Trae Young ng Hawks, subalit nalimitahan siya ng depensa sa 7 puntos sa second half. Walong puntos lang si Young sa Game 1 at nanalo ang Miami, 115-91.
Comentários