ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | September 23, 2023
Ang Pedestrian Crossing ay isang bagay na madalas nakikita ngunit marami sa ating mga kababayan ang hindi talaga alam ang tungkol dito. Katunayan libu-libong Pinoy ang hindi gumagamit nito habang tumatawid ng kalsada.
Pedestrian crossing, pedestrian lanes o crosswalks anuman ang tawag ay lubhang napakahalaga ng mga linyang sadyang idinesenyo sa lansangan para sa pedestrian at mga sasakyan sa kalsada — para sa kaligtasan ng lahat.
Ang hindi alam ng marami nating kababayan na awtomatikong itinuturing na kriminal na ang isang tumatawid dahil sa hindi paggamit sa mga crosswalks sa ilang piling lansangan at posibleng maharap sa kasong jaywalking kung mahuhuli.
Kaya ang policy-making body na Metro Manila Council (MMC) na binubuo ng 17 Metro Manila mayors ay minsan nang nagkasundo na gawing mas mahigpit ang pagtrato sa mga jaywalking violators na may unsettled penalties.
Hindi ba’t lumutang din noon sa ideya ng MMC na dadalhin ang listahan ng mga pangalan ng mga jaywalking violator sa National Bureau of Investigation (NBI) para maisama sila sa alarm list upang hindi balewalain ng mga violator ang pagbabayad ng multa.
Nahaharap kasi sa multang P500 ang isang jaywalking violator o kaya magbayad sa pamamagitan ng tatlong oras na community service na maaaring isagawa sa tuwing huling Biyernes ng bawat buwan.
Ngunit, may ibang panuntunan ang iba’t ibang Local Government Units (LGUs) pagdating sa polisiya sa anti-jaywalking na karaniwang ipinapatupad ng mga enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Isang halimbawa ay sa Quezon City na may ipinapataw na multang P140 na higit na maliit kumpara sa umiiral na P500; Sa Valenzuela City ay higit na mas mahigpit dahil P500 din ang multa ngunit may 24 oras pang community service at kapag nahuli naman sa ikaapat na pagkakataon ay papatawan na ng multang P5,000.
Mahirap maging pedestrian sa Metro Manila, dahil isa sa problema ay ang kawalan ng sidewalk sa maraming lugar na kung meron man ay napakakitid o kaya ay sakop ng mga sidewalk vendors na dahilan upang malagay sa panganib ang buhay ng marami nating kababayan.
Kamakailan, naglabas ng datos ang Philippine National Police (PNP) at ang Metropolitan Manila Accident Reporting and Analysis System (MMARAS) na base sa police blotter reports ay napakarami ng naaaksidente habang tumatawid.
Ngunit aminado ang PNP na hindi talaga mabuo ang datos hinggil sa mga naaksidente habang tumatawid dahil marami sa mga nadisgrasya ang hindi nagtutungo sa tanggapan ng pulisya para magsampa ng reklamo lalo na kung hindi naman grabe o kaya agad namang nagkaaregluhan.
May ulat din na maraming pedestrian ang nabundol ng motorsiklo kumpara sa iba pang sasakyan dahil sa minsan ay nag-aagawan sa paggamit ng sidewalk o kaya ay hindi agad nakikita na may umu-overtake na motorsiklo dahil natatakpan ng mas malaking sasakyan.
May nag-iisang ulat na inilabas noong 2005 hanggang 2015 na umabot umano sa 57,877 pedestrian na nasaktan o nasawi sa Metro Manila roads at 1,859 o 32% ang nasawi samantalang 56,018 o 96.7% ang nasaktan na lumalabas sa ratio na isang pedestrian ang nasasawi sa bawat 30 nasaktan.
Kinumpirma ng National Statistical Coordination Board (NSCB) ang ulat na ito na maraming naaksidente ang nabundol ng motorsiklo kumpara sa iba pang sasakyan at tumataas umano ito ng 11% kada taon hanggang sa kasalukuyan.
Ngayon heto at iminumungkahi ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa para sa jaywalking sa EDSA at C-5 dahil nga sa mataas na ulat ng aksidente.
Tila, naiirita na rin si Abalos sa walang humpay na pagpapabalik-balik ng ating mga kababayan sa malalaking lansangan partikular sa kahabaan ng EDSA at C5 na karaniwan ay pinamumugaran din ang mga vendor sa lansangan.
Suportado ng taumbayan ang mga ganitong paghihigpit dahil sa ikabubuti ito ng lahat ngunit sana lang naman ay unahing ayusin ang lahat ng pedestrian lane, gawing maayos at tiyaking ligtas sa masasamang loob ang ilang madidilim na overpass upang hindi mapilitang tumawid sa bawal ang ating mga kababayan.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments