top of page
Search
BULGAR

PDIC charter amendments, magbibigay-proteksiyon sa banking system ng ‘Pinas

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | February 26, 2022



Pagpapalakas, mas pinaigting na proteksiyon at iwas-problema sa banking system sa bansa ang pangunahing layunin natin sa isinulong na pag-amyenda sa Philippine Deposit Insurance Corp., charter.


Sa ngayon, matapos pumasa sa Mataas na Kapulungan ang panukala, kung saan tayo ang pangunahing awtor at tumayong sponsor sa Senado, naghihintay na lamang ito ng lagda ng Pangulo at tuluyan nang magiging batas.


Sa sandaling mapagtibay at maisabatas, mas magiging epektibo ang koordinasyon sa pagitan ng PDIC na siyang nakatoka sa insurance ng bank deposits at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na siya namang nagpapatupad ng ating monetary policy at nangangasiwa sa lahat ng bangko sa bansa.


Sa ilalim ng reconciled version ng PDIC amendments, ang BSP Governor ay siya na ring tatayong chairman ng ng PDIC board, habang ang kalihim ng Department of Finance na dati-rati’y ex-officio chairperson ng PDIC Board ay magsisilbi ng vice-chairperson.


Pinag-aralan natin ito sa ating komite, ang Senate Committee on Finance para masigurong may koordinasyon o pagkakaunawaan ang dalawang ahensiya at matiyak din na walang saklaw ng trabaho. Kumbaga, ang iiwasan dito ay ang pagdoble ng trabaho.


Isinama rin natin sa mga inamyendahang bahagi ng batas ang mga Islamic banks na sakop ng PDIC, base sa isinasaad ng RA 11439 o ang batas na nakatuon sa regulation at organization ng Islamic banks.


Maaari rin namang magtatag ng hiwalay na insurance funds and arrangements ang PDIC bilang konsiderasyon sa mga ipinatutupad na batas ng Islamic banking.


Sa kasalukuyan, ipagpapatuloy ng PDIC ang pagpapatupad ng P500,000 insurance sa monetary deposits. Pero sa sandaling pagtibayin ng Pangulo ang ating panukala, maaari nang itaas ng PDIC board ang maximum deposit insurance coverage base sa halagang naka-index sa inflation o bilang konsiderasyon sa iba pang economic indicators.


Binibigyang-diin pa rin natin dito ang pag-aatas sa PDIC board na repasuhin ang maximum deposit insurance kada tatlong taon. Ang bank records ay maaari lamang busisiin kung may bahid ng anomalya o hindi ligtas ang bank deposits.


Sa ilalim pa rin ng ating panukala, pinapayagan ang PDIC na i-convert sa cash ang assets ng nagsarang bangko once a bank is under receivership. Pinapayagan din dito ang PDIC na ibenta ang mga asset sa Financial Institutions Strategic Transfer Corporation na ibabase pa rin sa umiiral na banking laws.


Pangunahing layunin kasi natin sa panukalang ito na mapalakas at mas maging matatag ang ating banking system. Tandaan natin, sa mga darating na panahon, ang prayoridad ng gobyerno ay maibangon ang ekonomiya ng Pilipinas mula sa hagupit ng pandemya. At dahil dito, malaki ang gagampanang papel ng ating banking sector.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page