ni Mylene Alfonso @News | August 7, 2023
Kinondena ng Philippine Coast Guard (PCG) ang panibagong pambu-bully ng China sa West Philippine Sea (WPS) kung saan binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard ang PCG na nasa kanilang resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sa pahayag ng PCG, kinastigo nito ang “dangerous maneuvers and illegal use of water cannons” ng CCG sa barko ng PCG na magde-deliver lamang ng pagkain, tubig at iba pang supply sa tropang militar na nasa BRP Sierra Madre.
“The PCG calls on the China Coast Guard to restrain its forces, respect the sovereign rights of the Philippines in its exclusive economic zone and continental shelf, refrain from hampering freedom of navigation, and take appropriate actions against the individuals involved in this unlawful incident,” ayon kay PCG Spokesperson para sa West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela.
Inihayag pa ng PCG na ang hakbang ng CCG ay hindi lamang pagsasawalang bahala sa kaligtasan ng mga crew ng PCG kundi paglabag din sa international law, kabilang na ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang 1972 Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS), at ang 2016 Arbitral Award.
Iginiit ng PCG na ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Kalayaan Island Group, na bahagi ng Pilipinas gayundin ng Philippines’ exclusive economic zone at continental shelf, kung saan may hurisdiksyon at soberanya ang Pilipinas.
留言