ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 30, 2021
Hindi binibitawan ng Cordova Duchess Dagami Warriors ang intensyon nitong patuloy na panggugulat sa mga karibal at ngayon ay hawak na ang solong pangunguna sa Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) Wesley So Cup Conference pagkatapos ng pakikipagharap sa pitong magkakaibang mga koponan.
Susunod nilang sasagupain ang Mindoro Tamaraws at Iriga City Oragons sa pagtitipong kinikilala ng Games and Amusement Board o GAB at nananatiling tanging pro chess league sa bahaging ito ng daigdig.
Sumibad ang Cordova sa 7-0 panalo-talo na rekord matapos turuan ng leksyon ang Palawan Queen’s Gambit (14.0-7.0) at daigin ang Toledo City Trojans (11.5-9.5) para sa pang-anim at pampitong mga panalo. Bukod dito, nakaipon na ang lider ng 92.5 na puntos sa torneong ipinangalan sa dating hari ng ahedres sa Pilipinas na tubong Cavite at ngayon ay FIDE World Fischer Random Chess champion na si Grandmaster Wesley So.
Naging moog ng magandang ipinakikita ng Cordova ang laro ng 22-anyos na import nitong si Israeli GM Nitzman Steinberg. Kumana si Steinberg, naging GM at IM noong 19 at 15 taong gulang ayon sa pagkakasunod-sunod, ang mga tagumpay sa board 1.
Nakabuntot sa lider ang tatlong koponan na pare-parehong may 6-1 na marka pagkatapos ng apat na araw na bakbakan sa Wesley So Cup: Camarines Soaring Eagle sa Southern Conference, at San Juan Predators at Manila Indios Bravos sa norte.
Samantala, bahagyang naiiwan ang limang kalahok dahil sa naisumiteng 5-2: ang Antipolo Cobras, Caloocan Loadmanna Knights, Cagayan Kings, Iloilo Kisela Knights at Toledo. Nananatili namang gumagapang ang mga Laguna Heroes, pumasok sa kasaysayan bilang pinakaunang champion ng PCAP, dahil sa natikman na nitong tatlong kabiguan mula sa pitong matches at ngayon ay nakaupo lang sa kalagitnaan ng pulutong sa Northern Conference.
Σχόλια