ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov 7, 2024
NAOBLIGA NA ANG PSA NA AMINING TUMAAS ANG INFLATION RATE DAHIL HINDI NA MAITATANGGI ANG MATAAS NA PRESYO NG BILIHIN AT BAYARIN SA ‘PINAS -- Sa mga nakalipas na buwan ay panay ang pabida ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mababa ang presyo ng mga bilihin at bayarin. Pero kamakalawa ay mismong PSA na ang nag-anunsyo na tumaas ng 2.3% ang inflation rate nitong nakalipas na Oktubre 2024.
Obligado na kasi ang PSA na amining tumaas ang inflation rate dahil hindi na maitatanggi na ubod na nang taas ang presyo ng mga bilihin at bayarin sa Pilipinas, period!
XXX
PALUBOG ANG ‘PINAS SA BAGONG PILIPINAS NG MARCOS ADMIN -- Sa loob ng isang linggo ay pulos bad news ang naibalita sa Pilipinas.
Noong October 30, 2024 ay inanunsyo ng Bureau of Treasury (BOT) na pumalo na sa P15.89 trillion ang utang ng Pilipinas, nasundan ito ng inilabas na data ng economic researcher na Moody’s Analytics nitong Nobyermbre 4 na nakabase sa Amerika na bumagal o humina raw ang ekonomiya ng Pilipinas sa ikatlong quarter ng year 2024 at ang latest nga ay ang pagtaas ng inflation rate sa bansa.
Ibig sabihin niyan, na sa Bagong Pilipinas ng Marcos administration ay palubog ang ‘Pinas, boom!
XXX
IBINIDANG 5K FLOOD CONTROL PROJECTS NI PBBM SA KANYANG SONA, FAKE NEWS? – Sa State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) noong July 22, 2024 ay ibinida nito na higit 5,000 flood control project daw ang natapos na ng kanyang pamahalaan. Ang masaklap makalipas lang ang dalawang araw matapos niyang ibida ito (flood control projects), ay binaha ang Metro Manila at mga karatig lalawigan dulot ng Bagyong Carina at pagkaraan niyan, lahat ng bagyong pumasok sa bansa ay nagdudulot ito ng pagbaha, at ang latest ay ang magkasunod na Bagyong Kristine at Leon na nagpabaha sa Bicol Region, Southern Tagalog Region, Ilocos Region at Cordillera Region at Visayas Region.
Ang nais nating ipunto rito, na kung totoong may natapos ng higit 5,000 flood control projects ang Marcos admin, bahain man ay hindi naman siguro makaranas ng lagpas-tao, lagpas-bahay na baha ang mamamayan, kaya’t malamang iyang ibinida ni PBBM na libu-libong flood control projects ng kanyang pamahalaan ay walang katotohanan, na ‘ika nga, fake news, period!
XXX
BAGYO, KINATATAKUTAN NI PBBM KASI KAPAG BUMAHA, NABABATIKOS SIYA SA IBINIDA NIYANG 5K FLOOD CONTROL PROJECTS -- Sa totoo lang, ang isa sa mga kinatatakutan ni PBBM ay bagyo.
Kasi kapag may pumasok na bagyo sa bansa na nagdulot ng pagbaha, napuputakti siya ng batikos dahil sa ibinida niyang 5,000 flood control projects.
Next time kasi, huwag magbida kung wala naman talagang natapos na 5,000 flood control projects para iwas-batikos sa mga mamamayang nalubog sa baha, boom!
Comments