ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 26, 2025

KAPAG ‘DI NA PUWEDENG KUMANDIDATONG PRESIDENTE ANG MAG-AMANG DUTERTE, SI SEN. BONG GO ‘MAMANUKIN’ NI EX-P-DUTERTE LABAN SA ‘MANOK’ NI PBBM -- Kinontra ni former Senior Associate Justice Antonio Carpio ang sinabi ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na kapag na-impeach daw si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, ay puwede naman daw uling kumandidato sa pagka-presidente si ex-P-Duterte kasi nga raw ang nakasaad lang sa Konstitusyon ay hindi puwedeng reeleksyunista ang nakaupong presidente.
Nilinaw ni Carpio na ang nasa Saligang Batas ay isang beses lang puwedeng maging presidente ang naupong presidente.
Kung sa 2028 presidential election ay hindi na puwedeng kumandidatong presidente ang mag-amang Duterte, tiyak may “manok” pa si ex-P-Duterte na ipapanagupa sa “manok” ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa halalang pampanguluhan at ito ay walang iba kundi si Sen. Bong Go, abangan!
XXX
TOTOO KAYA NA AYAW NI SP ESCUDERO MAGING VP KAPALIT NI VP SARA O PAKIPOT LANG MUNA SIYA? -- Sabi ni Senate President Chiz Escudero, sakaling ma-impeach si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay wala raw siyang ambisyong humaliling bise presidente ng ‘Pinas.
Totoo kaya ang sinabing iyan ni SP Chiz o baka naman pakipot lang muna siya, kasi nga hindi pa naman napapatalsik bilang VP ang anak ni ex-P-Duterte, period!
XXX
DOBLE-SAKIT NG ULO SI PBBM SA MGA KINUWESTIYONG BLANK DOCUMENTS AT ZERO SUBSIDY SA PHILHEALTH - -Matapos kuwestiyunin nina Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab at senatorial candidate, former Executive Sec. Vic Rodriguez sa Supreme Court (SC) ang mga blank budget documents sa 2025 General Appropriations Act (GAA) na nilagdaan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), ay kinuwestiyon din ni health advocate Dr. Tony Leachon ang legalidad sa pag-zero subsidy sa PhilHealth sa 2025 national budget.
Naku po, hindi man aminin ay siguradong doble-sakit ng ulo ang inaabot ngayon ni PBBM sa magkasunod na petisyong ito sa SC patungkol sa inaprub niyang 2025 GAA o 2025 national budget, boom!
XXX
KUNG TOTOONG TALAMAK NA NAMAN ANG DROGA AT KRIMEN, WALANG IBANG
DAPAT SISIHIN DIYAN KUNDI ANG MARCOS ADMIN -- Ibinulgar ni ex-P-Duterte na bumalik na raw uli ang droga at krimen sa bansa, partikular sa Davao, Cebu at Manila.
Wala mang tinukoy na pangalan si ex-P-Duterte kung sino ang dapat sisihin sa paglaganap uli ng illegal drugs at kriminalidad sa bansa, ay awtomatik na alam na ng mamamayan kung sino ang dapat sisihin at siyempre ito ay walang iba kundi ang gobyerno, ang Marcos administration, period!
Comments