ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 25, 2025

KAPAG TINUTOO NG DOJ NA MAKIPAG-UGNAYAN SA ICC, BAKA NGAYONG YEAR 2025 LUMABAS NA ANG ICC-WARRANT OF ARREST LABAN KINA EX-P-DUTERTE AT SEN. BATO -- Kung dati ay madalas sabihin ng Marcos administration na hindi makikipagtulungan ang pamahalaan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) tungkol sa naganap na extrajudicial killings (EJK) sa bansa sa panahon ng Duterte administration, ngayon iba na ang sinasabi ng gobyerno. Ayon kay Sec. Boying Remulla ay handa na raw ang Marcos admin na makipagtulungan sa ICC.
Hindi man aminin ay tiyak kinabahan na naman sina ex-P-Duterte at Sen. Ronald Dela Rosa sa statement na iyan ng DOJ, kasi kapag tinutoo ng DOJ na makipagtulungan sa ICC, malaki na talaga ang posibilidad na ngayong 2025 ay lumabas na ang ICC-warrant of arrest laban sa kanila, boom!
XXX
SA PAG-IWAS NI CONG. STELLA QUIMBO SA TANONG NG MGA MAMAMAHAYAG LALONG NAGHINALA ANG PUBLIKO NA MAY MGA BLANGKO SA 2025 GAA -- Umiwas si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo, acting chairman ng House Committee on Appropriations sa tanong ng mga mamamahayag kung totoo ang ibinulgar ni ex-P-Duterte na may mga blank sections sa 2025 General Appropriations Act (GAA) na isinumite ng mga senador at kongresista kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na nilagdaan naman ng Presidente.
Kung walang itinatago, hindi dapat umiwas si Cong. Quimbo sa tanong ng mga mamamahayag kasi dalawa lang naman ang puwede niyang isagot dito, “wala at meron,” pero hindi niya sinagot ang katanungan ng mga reporter.
Dahil sa pag-iwas ni Cong. Quimbo na sagutin ang tanong ng mga mamamahayag, lalo tuloy nagduda ang sambayanang Pinoy na may mga blangko nga sa ilang sections ng 2025 GAA para sa national budget ngayong taon ang nilagdaan ni PBBM, period!
XXX
IMPEACHMENT KAY VP SARA, IMPEACHMENT KAY PBBM -- Ayon kay former Quezon Rep. Erin Tanada na kung totoo raw na mas malaki ang inilaang budget ng Marcos administration sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) kaysa Dept. of Education (DepEd) ay malinaw na paglabag umano ito sa Konstitusyon dahil ang nakasaad sa Saligang Batas ay dapat mas malaki ang pondong ilalaan taun-taon ng gobyerno sa edukasyon kaysa infrastructures.
Kung totoo nga na nilabag ng Marcos admin ang Konstitusyon sa isyung ito, aba’y hindi lang pala si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ang dapat sampahan ng kasong impeachment, kundi pati si PBBM, boom!
XXX
TAKOT DAW SI PBBM NA MAKALKAL ANG KANYANG CONFI FUNDS KAYA PINIPIGILAN NITO ANG IMPEACHMENT KAY VP SARA -- Sinabi ng mga kongresistang miyembro ng Makabayan bloc na kaya raw hinaharang ni PBBM ang impeachment kay VP Sara ay dahil natatakot daw ang Presidente na makalkal ang kanyang multi-billion peso confidential funds.
Ang ilan kasi sa nilalaman ng impeachment complaints na isinampa kay VP Sara ay may kaugnayan sa maanomalyang paggasta raw nito ng kanyang confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at sa pinamumunuan niya noon na DepEd, at maaaring mangyari na kapag dinidinig na sa Senado na siyang tatayong impeachment court ang mga kasong impeachment sa bise presidente ay posible talaga na makalkal din ang confidential fund ni PBBM. Maaari kasing may mag-usisa na bakit ang P650 million confi funds lang ng bise presidente ang iniimbestigahan gayong mas malaki, worth P4.5 billion ang confi fund ng Presidente na dapat din alamin kung saan ito ginasta ng Pangulo, period!
Comments