ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov. 23, 2024
SIGURO NAINIS SI SPEAKER ROMUALDEZ NA KULELAT SA PRESIDENTIAL SURVEY KAYA INAATAKE SI VP SARA NA FRONT-RUNNER SA 2028 ELECTION – Kung dati ay tikom ang bibig ni Speaker Martin Romualdez sa mga isinasagawang imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability patungkol sa confidential fund ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, ngayon nakiki-join na siya sa atake sa bise presidente na dapat daw dumalo na ito sa House hearing para ipaliwanag ang maanomalya umanong pagkaubos ng confi funds nito sa Office of the Vice President (OVP) at noong siya pa ang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Siguro, ang atakeng ‘yan ni Speaker Romualdez kay VP Sara ay may bahid pagkainis, kasi nga naman panay ang banat ng mga anti-Duterte congressmen sa vice president, na inakala niyang bababa na ang rating nito pero ang nangyari front-runner pa rin ito sa eleksyon sa 2028, dahil nakakuha ang bise presidente ng mataas na 24% rating para sa 2028 presidential election survey, tapos siya (Romualdez) kulelat sa rating na 1% lang, he-he-he!
XXX
MGA TRAPO AT MAY POLITICAL DYNASTY LANG YATA ANG GUSTO NG COMELEC NA LUMAHOK SA SENATORIAL ELECTION -- Karamihan sa mga idineklarang senatorial nuisance candidate ng Comelec ay hindi mga trapo at walang political dynasty, at ang karamihan naman sa pinayagan ng komisyon na kumandidatong senador ay mga trapo at may political dynasty.
Ganyan ka-bad ang Comelec ng ‘Pinas kasi ang gusto lang nila sigurong kumandidato sa pagka-senador ay mga trapo at may political dynasty, mga pwe!
XXX
SA PANAHON LANG NG MARCOS ADMIN NANGYARING SUNUD-SUNOD NA OIL PRICE HIKE -- Inanunsyo ni Assistant Director Rodela Romero ng Dept. of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na next week ay may ipapatupad na namang oil price hike ang gobyerno, P0.70 hanggang P0.90 sa kada litro ng gasolina; P0.70 hanggang P1.00 sa kada litro ng diesel at P0.60 hanggang P0.70 sa kada litro ng kerosene.
Sa totoo lang, sa lahat ng mga administrasyon, ay sa Marcos administration lang nangyari ang sunud-sunod na oil price hike, buset!
XXX
MGA POGO OPERATOR WALANG TAKOT KAY PBBM -- Mismong si Sec. Jonvic Remulla ng Dept. of the Interior and Local Gov’t. (DILG) ang nagsabing may mga nagpapanggap na resorts at restaurants, pero ang totoo raw ay Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang operasyon nito sa bansa.
Ang sinabing iyan ni Sec. Remulla ay indikasyon na walang takot kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang mga POGO operator, kasi mantakin n’yo, parang sirang plaka na si PBBM sa kasasabi na ban na ang POGO sa bansa, pero may mga nag-o-operate pa rin, boom!
Hozzászólások