ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 6, 2025
US PRESIDENT-ELECT TRUMP, WALA YATANG BILIB KAY PBBM KAYA HINDI IMBITADO SA KANYANG INAUGURATION – Kabilang si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa mga head of states na hindi inimbitahan sa inauguration ni United States President-elect Donald Trump sa darating na Enero 20, 2025.
Siguro hindi bilib si Trump sa uri ng pamamahala ni PBBM sa ‘Pinas kaya hindi niya ito inimbitahan sa kanyang inauguration, boom!
XXX
KUNG ‘DIRTY POLITICS’ NI PBBM ANG PAGTANGGAL KAY VP SARA BILANG MEMBER NG NSC, LUMALABAS NA ‘DIRTY POLITICS’ DIN ANG UTOS NI EX-PRES. DUTERTE NA PAGBABAWAL KAY FORMER VP ROBREDO NA DUMALO SA CABINET MEETING – Sinabi ni former presidential legal counsel Salvador Panelo na “dirty politics” daw ang naging desisyon ni PBBM na tanggalin si Vice Pres.Sara Duterte-Carpio bilang miyembro ng National Security Council (NSC).
Kung ganu’n, masasabing “dirty politics” din pala ang ginawa ng noo’y Pres. Digong Duterte nang utusan si dating Cabinet Sec. Leoncio Evasco na sabihan ang noo’y din VP Leni Robredo na huwag nang dumalo sa lahat ng Cabinet meetings, kabilang ang pulong sa NSC, period!
XXX
P531.66B UNPROGRAMMED APPROPRIATIONS BIGGEST PORK BARREL DAW SA KASAYSAYAN – Sa nilagdaan ni PBBM na mahigit P6.33 trillion national budget para ngayong year 2025 ay mayroon ditong nakasingit na P531.66 billion na unprogrammed appropriations.
Malamang ‘yang P531.66 billion ang tinutukoy ni former Senate President Franklin Drilon na “biggest pork barrel” sa kasaysayan ng national budget sa ‘Pinas kasi nga ay “unprogrammed appropriations” ‘yan na ibig sabihin isiningit ang budget na iyan sa mga programa ng pamahalaan na hindi isinapubliko kung saan gagastahin ang perang ‘yan ng bayan, boom!
XXX
HUWAG NANG UMASA ANG 38.8M SSS MEMBERS NA SUSUSPENDIHIN NI PBBM ANG IMPLEMENTASYON NG 15% SSS MONTHLY BUTAW – Sinabi ni former Social Security System (SSS) President Rolando Macasaet na may kapangyarihan daw ang Malacanang na suspendihin ang implementasyon ng dagdag na 15% sa monthly contributions ng mga SSS member.
Totoo ‘yan, kaya lang ang problema, si PBBM ang nag-aprub ng dagdag monthly butaw na iyan, kaya huwag nang umasa ang 38.8 milyong SSS members na sususpendihin ng Presidente ang implementasyon ng napakalaking dagdag-butaw ng mga SSS member, tsk!
Comentários