top of page
Search

PBBM, ‘di raw namamasyal abroad ‘pag may foreign trip, pero bumisita sa apartment ni Dr. Jose Rizal

BULGAR

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Marso 16, 2024


‘DI MAN AMININ MALAMANG NABUWISIT ANG LIDER NG GERMANY KAY PBBM SA ISYUNG ICC --Habang nag-uusap sina Pres. Bongbong Marcos at German Chancellor Olaf Scholz ay ibinida ni PBBM sa lider ng Germany na hindi na raw miyembro ng International Criminal Court (ICC) ang Pilipinas kaya’t wala raw itong jurisdiction para magsagawa ng imbestigasyon kay ex-P-Duterte kaugnay sa extrajudicial killings (EJK) sa ‘Pinas, na kesyo gumagana naman daw ang batas, mga korte at kapulisan sa Philippines kaya wala raw “K” ang ICC na imbestigahan pa ang naganap na EJK sa ‘Pinas noong nakaraang Duterte administration.


Hindi man aminin ay malamang nabuwisit si Scholz kay PBBM, kasi hindi naman nila napag-uusapan ang tungkol sa ICC, tapos biglang mistulang inismol nito (PBBM) ang kapangyarihan ng ICC, kung saan bukod sa miyembro, ay ang Germany pa ang isa sa malaking backer at nagpopondo sa ICC, period!


◘◘◘


KOREK NGA SI EX-P-DUTERTE NA NAMAMASYAL SI PBBM SA IBANG BANSA KAPAG MAY FOREIGN TRIP ITO, KASI BINISITA NG PRESIDENTE ANG APARTMENT NI DR. JOSE RIZAL -- Matapos i-deny ni PBBM ang atake sa kanya ni ex-P-Duterte na namamasyal lang siya sa ibang bansa kapag mayroon siyang foreign trips, ay nabalitang bumisita ang Presidente sa apartment na inupahan ng bayaning si Dr. Jose Rizal sa Berlin, Germany.


Tama nga si ex-P-Duterte, hinahaluan ni PBBM ng pamamasyal ang biyahe niya sa ibang bansa, boom!

◘◘◘


WALANG TATALO SA DUTERTE-DUTERTE 2028 -- Ayon kay dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ay may posibilidad daw ang Duterte-Duterte sa 2028 election, na ibig niyang sabihin ay for president si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio at for VP naman si ex-P-Duterte.


Sa totoo lang, kapag nagkatotoo ang sinabing ‘yan ni Panelo ay wala nang tatalo sa tandem na Duterte-Duterte 2028, period!


◘◘◘


SABLAY ANG PALUSOT NI SEN. ROBIN, KASI ANG DEPENSA AT PAGTATANGGOL, IISA LANG ANG KAHULUGAN SA DIKSYUNARYO -- Sabi ni Sen. Robin Padilla na hindi raw niya dinedepensahan si Pastor Apollo Quiboloy tungkol sa mga kinakaharap nitong kasong rape, sexual abuse at child sex trafficking dahil ang pagdedepensa raw ay trabaho ng abogado, at ang ginagawa lang daw niyang pagtatanggol sa kaibigan niyang pastor ay bahagi ng demokrasya.


Sablay ang palusot na ‘yan ni Sen. Robin, kasi nga ang depensa at ‘yung sinasabi niyang pagtatanggol (kay Quiboloy) ay magkasingkahulugan, pareho lang ‘yan, ayon mismo sa diksyunaryo, period!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page