ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov 4, 2024
MAY NAG-UTOS RIN BA KAY COL. ESPENIDO PARA I-‘MARITES’ SI SEN. BONG GO SA ISYUNG EJK REWARD SYSTEM? -- Sa imbestigasyon ng Senado sa extrajudicial killings (EJK) ay ibinulgar ni P/Col. Hector Grijaldo na tinanggihan niya ang pangungumbinse sa kanya ng mga miyembro ng Quad Committee ng Kamara na sina Laguna Rep. Dan Fernandez at Manila Rep. Benny Abante na lumagda sa supplemental affidavit na gawa ng dalawang abogado ni former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager, ret. Col. Royima Garma, na ang nakasaad dito ay kinukumpirma niya ang sinabi ni Garma na totoong may reward system sa EJK, na ayon sa police colonel ay wala naman daw talaga siyang alam sa reward system, at ayaw niyang magsinungaling kaya hindi siya pumirma sa supplemental affidavit.
Kaya’t ang tanong: May nag-utos din kaya kay P/Col. Jovie Espenido para siraan at isangkot sa reward system sa EJK si Sen. Bong Go, kasi sa Senate probe ay umamin ang police colonel na ito (Espenido) na ang mga dinaldal niya sa QuadComm laban sa senador ay mga hearsay o “marites” lang, period!
XXX
QUAD COMMITTEE INVESTIGATION, ‘IN AID OF ELECTION’ VS. MGA DUTERTE, SENS. BONG GO AT DELA ROSA? -- Dahil sa ibinulgar na ito ni Col. Grijaldo ay lumalabas na tama ang naging pananaw ni former presidential spokesman Rigoberto Tiglao na hindi “in aid of legislation,” kundi “in aid of election” ang ginagawang atake ng QuadComm laban sa pamilya Duterte at kina Sen. Bong Go at Sen. Ronald Dela Rosa.
Kandidato kasi sina ex-P-Duterte for mayor, Baste Duterte for vice mayor, reelectionist for congressman si Paolo Duterte at reelectionist for senators sina Bong Go at Ronald Dela Rosa, period!
XXX
ALAM NI PBBM NA KAPAG PINATULAN NIYA ANG MGA STATEMENT NI VP SARA, AATAKEHIN ULI SIYA NG BISE PRESIDENTE -- Nitong nakalipas na Nov. 1, sa Libingan ng mga Bayani, ay hindi tinugon ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang tanong ng mga mamamahayag kung ano ang reaksyon niya sa sinabi ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na nais nitong hukayin ang mga labi ng kanyang amang si ex-Pres. Ferdinand Edralin Marcos Sr. at itapon ito sa West Philippine Sea (WPS).
Marahil, alam ni PBBM na aatakehin na naman siya ni VP Sara kapag pinatulan pa niya ang tungkol sa isyung ito, boom!
XXX
BATAS NA HABAMBUHAY NA PAGKABILANGGO VS. SMUGGLERS AT HOARDERS TILA PABIDA LANG NI PBBM -- Mahigit isang buwan na ang nakakalipas mula nang lagdaan ni PBBM noong Sept. 25, 2024 ang batas na may parusang habambuhay na pagkabilanggo sa mga sangkot sa agri-smuggling at hoarding, pero hanggang ngayon ay tila wala pa ring nahuhuli at nakakasuhang mga smuggler at hoarders.
Dahil diyan, lumalabas na pabida lang ni PBBM ang nilagdaan niyang batas na ito, period!
Comments