ni Gerard Peter - @Sports | February 1, 2021
Nagsimula na sa indibidwal na pagsasanay ang ilang mga koponan sa PBA, ngunit nananatili pa ring walang malinaw na pagbubukas ng panibagong season ng pinakamatandang liga sa Asya.
Muling nabigyan nang basbas ang ilang mga koponan upang magdaos ng mga pagsasanay ng iba’t ibang lokal na pamahalaang lungsod, gayundin ang pagsusuri ng Games and Amusement Board (GAB) sa mga pasilidad na ginagamit ng mga ito.
Kinumpirma ni PBA commissioner Willie Marcial na nakumpleto na ng ilang koponan ang mga kinakailangang requirements upang mabigyan nang permiso ng mga nasasakupang local government units (LGUs) at GAB hinggil sa mga safety measures at health protocols, isa na rito ang pagkuha ng swab testing. “Pinayagan na ng ilang teams ng LGUs at na-inspeksyon na ng GAB yung mga lugar na pinag-practice nila,” wika ni Marcial.
Iniangat na sa limang manlalaro kasama ang limang iba pa na binubuo ng coaches at physical therapists ang maaaring makapagdaos ng pagsasanay sa loob ng gymnasium. Matatandaang limitado lamang nung una sa apat na manlalaro kasama ang dalawa pang coach ang magkakasama sa loob ng gym.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Marcial ang mahigpit na pagpapatupad sa kautusan ng pamahalaan hinggil sa pagsunod sa health at safety protocols, higit na ang hindi pagkakaroon ng mga scrimmages sa oras ng pagsasanay.
Lumabas sa report na nagsimula ng magbukas ng pagsasanay ang mga koponan ng Philippine Cup runner-up TNT Tropang Giga at NLEX road warriors, habang magsisimula mula ngayong Lunes ang workouts ng Meralco Bolts, NorthPort Batang Pier at San Miguel Beermen, samantalang inaasahang magsusunuran ang mga nalalabing koponan sa linggo, kabilang ang reigning champion Barangay Ginebra na umano'y magsisimula sa huling linggo ng Pebrero.
Inamin ng 59-anyos na ika-10th commissioner ng liga na kahit pa nagsisimula ng magpakondisyon ang mga manlalaro ng bawat koponan ay hindi pa rin malinaw kung kailan ang pinal na pagbubukas ng 43rd season ng Philippine Cup, dahil patuloy na naninindigan ang board of governors na antayin munang magkaroon ng bakuna ang bawat manlalaro at coaching staff.
Nitong Huwebes ay inatasan si Marcial na makipag-usap sa Red Cross at sa pinuno nitong si Sen. Richard Gordon na makabili ng mga bakuna laban sa coronavirus disease (Covid-19), partikular na ang AstraZeneca at Moderna para magamit ng mga koponan.
Comentários