ni Ronalyn Seminiano Reonico | October 25, 2020
Inanunsiyo ng Philippine Basketball Association (PBA) sa ginanap na press conference ngayong Linggo nang umaga na positibo sa COVID-19 ang isang manlalaro sa PBA bubble.
Inilipat na umano ang player mula sa Blackwater Elite sa Athletes' Village kung saan isasailalim ito sa isolation. Naka-isolate na rin ang buong team ng Blackwater, ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial.
Ipinost ng PBA sa Twitter ang pahayag ni Testing Czar Secretary Vince Dizon sa press conference na: "‘Yung ating PBA player na may lumabas na positive result kagabi, na-isolate na. We're asking the PBA to conduct an Antigen and RT-PCR for the player who tested positive."
Isang referee naman ng PBA bubble ang nagpositibo kamakailan sa COVID-19 sa initial test at nagnegatibo sa sumunod na testing.
Pahayag ni Dizon, "Ngayon lumabas both ‘yung antigen and RT-PCR test, negative… The index case (referee) proved to be negative (after initially testing positive).
“Kailangang intindihin natin, walang perfect na test, puwedeng magkamali. Ang importante, meron tayong protocol para i-address ang situation na ganito.”
Sumailalim din sa COVID-19 testing ang lahat ng naging close contacts ng naturang referee.
Samantala, dahil sa insidente, kinansela ang laban ng Blackwater at Rain or Shine ngayong araw ngunit natuloy pa rin ang Manila Clasico game sa pagitan ng Ginebra San Miguel at Magnolia Hotshots nitong hapon.
Comments