top of page
Search

Payton, 'tinaga' sa ulo; Brooks, out sa Game 3

BULGAR

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 7, 2022



Galit na galit si Coach Steve Kerr at Golden State Warriors sa ginawang foul ni Dillon Brooks ng Memphis Grizzlies kay Gary Payton II sa Game 2 ng kanilang serye sa Western Conference Semifinals ng 2022 NBA Playoffs. Kahit pinalabas agad sa laro si Brooks, umaksiyon ang liga at suspendido siya para sa Game 3 ngayong Linggo sa Chase Center.


Tatlong minuto pa lang ang lumilipas sa laro ay binigyan ni Brooks ng 'taga sa ulo' ang lumilipad na si Payton kaya bumagsak ito. Matapos mag-shoot ng mga free throw, umupo na si Payton at hindi na bumalik.


Ayon sa pagsusuri, nabali ang kaliwang siko ni Payton at maaaring hindi siya maglaro nang tatlo hanggang limang linggo. Tinatayang makakabalik lang siya kung papasok ang Warriors sa 2022 NBA Finals.


Hindi nakapagtimpi si Coach Kerr sa panayam sa telebisyon sa kalagitnaan ng laro at binansagang marumi ang ginawa ni Brooks. Sa panig ng Grizzlies, ipinagtanggol ni Coach Taylor Jenkins ang kanyang koponan at sinabi na hindi sila marumi maglaro, kailangan lang nila maglaro nang pisikal matapos ang Game 1 kung saan nagwagi ang Warriors, 117-116.


Maliban kay Brooks, hindi nakatakas sa mata ng NBA si Draymond Green ng Warriors at pinatawan ng multang $25,000 (P1.314M) dahil ipinakita niya ang kanyang gitnang daliri sa mga manonood sa FedExForum noong Game 2. Matatandaang pinalabas din si Green noong second quarter ng Game 1 matapos hampasin nang malakas sa mukha si Brandon Clarke, subalit nakaiwas siya sa suspensiyon.


Sa pagpapatuloy ng playoffs ngayong Sabado, sisikapin pareho ng Miami Heat at Phoenix Suns na magtayo ng 3-0 na lamang sa kanilang mga serye kontra Philadelphia 76ers at Dallas Mavericks. Walang koponan sa 75 taon ng NBA ang nakakabalik matapos matalo sa unang tatlong laro sa seryeng best-of-seven.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page