ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | December 04, 2021
Nakikiusap ang pribadong sektor sa pamahalaan na kung maaari ay bigyan sila ng mga bakuna na maaari nilang magamit bilang COVID-19 vaccine booster shot para sa kani-kanilang empleyado.
Sa ating palagay, dapat itong suportahan ng gobyerno, dahil unang-una, hindi lang sapat kundi halos mag-umapaw na ang mga dumarating na bakuna sa ating bansa.
Pangalawa, marami umano sa mga bakuna ay malapit nang mag-expire. Kaya’t mas makabubuting magamit na agad ang mga ito kaysa naman masayang lang.
Ayon sa pinag-isang pahayag ng business organizations sa bansa, hinihiling nila sa pamahalaan na dahil may oversupply naman tayo ng vaccines, kung maaari ay bahaginan sila para sa kapakanang pangkalusugan ng kanilang empleyado at ng pamilya ng mga ito.
Para sa atin, rasonable ang kahilingang ito ng mga kaibigan natin sa pribadong sektor.
Alam nating marami pa sa adult population natin ang nananatiling hindi pa bakunado.
Pero sana, manghinayang din tayo sa mga bakunang magpapaso, na posibleng agad pang magagamit ng private sectors kung ibahagi na lang natin ang mga ito sa kanila.
At kaugnay niyan, makikiusap na rin tayo sa mga kababayan nating hindi pa nagpapabakuna hanggang ngayon — please lang, para rin sa inyong kaligtasan ito — magpabakuna na tayo.
Huwag tayong basta na lang maniwala sa mga paninira sa COVID-19 vaccines dahil mas malaki ang tsansa na malagay pa tayo sa alanganin kung hindi tayo makikinig sa mga eksperto.
At muli, panawagan natin sa ating mga kinauukulan, pagbigyan sana natin ang kahilingan ng pribadong sektor. Para rin ito sa kapakanan ng mga kababayan nating nasa kanilang pangangalaga.
Sa pagkakataong ito, mas maipakikita natin ang tunay na pagmamalasakit lalo pa’t may kakayahan naman ang gobyerno na pagbigyan sila sa pakiusap nilang ito.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments