12-anyos na namatay sa Dengvaxia.
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 25, 2021
Ang kakayahang magpasya ay napakahalagang katangian ng isang tao. Ngunit may mga sandali sa buhay, tulad ng pagsapit ng pagtanda, kung saan may mga taong hindi na makapagpasya dahil tila wala na sila sa kanilang sarili. Gayunman, tinatanggap ang panahon at pangyayaring ito na bahagi ng buhay. Subalit, paano kung “wala pa sa panahon” ang pagdating ng nabanggit na pangyayari dahil hindi pa ganap na binata ang nakaranas at nagdusa dahil dito? Ganito ang pinagdaanan (kasama ang iba pang mga karamdaman) ng Dengvaxia vaccinee na si John Harry P. Rellores bago siya namatay. Ang partikular na insidente na kaugnay dito ay ikinuwento ng kanyang mga magulang na sina G. Jose at Gng. Cristina Rellores ng Quezon Province. Anila:
“Noong ika-5 ng Hulyo 2018 ng tanghali, kung anu-ano na ang sinasabi ng aming anak. Ang mga ito ay hindi namin maintindihan. Nakakalimot na rin siya dahil may mga pagkakataon na hindi na niya matandaan kung nasaan siya. Hindi bumuti ang kanyang kalagayan sa mga sumunod na araw.”
Si John Harry ay 12-anyos nang namatay noong Hulyo 12, 2018. Siya ang ika-69 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.
Siya ay dalawang beses nabakunahan ng Dengvaxia sa kanyang paaralan sa Quezon Province; una noong Mayo 18, 2016 at Oktubre 19, 2016 ang ikalawa. Bago siya maturukan ng nasabing bakuna, siya ay malusog at masiglang bata. Ayon sa kanyang mga magulang, kailanman ay hindi siya nagkaroon ng malubhang sakit, subalit mula nang siya ay nabakunahan, nagbago na ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Narito ang ilan sa nasabing mga pagbabago:
Agosto 2017 - Unang nakaranas ng pabalik-balik na pananakit ng ulo si John Harry. May mga panahon na hindi na siya nakakapasok sa eskuwelahan dahil sa pananakit ng kanyang ulo.
Oktubre 9, 2017- Nahimatay si John Harry at isinugod sa isang ospital sa Quezon Province. Na-confine siya ng dalawang araw dahil sa anemia.
Disyembre 2017 - Muli siyang nagreklamo ng pananakit ng ulo at hirap sa paghinga. Namumutla at nagkukulay asul ang kanyang mga kuko. Siya ay dinala ulit sa nasabing ospital sa Quezon Province kung saan kinabitan siya ng oxygen. Pagkatapos ay ni-refer sila sa isang ospital sa Lucena City at isinailalim siya sa iba’t ibang laboratory tests. Pagkatapos nito, pabalik-balik pa rin ang pagsakit ng kanyang ulo. Madalas na rin siyang nagmumuta.
Pagdating ng Marso 2018 hanggang Hulyo 2018, nadagdagan ang kanyang mga nararamdaman, naging kritikal ang kanyang kalagayan at ito ay nauwi sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga kaugnay na detalye:
Marso 10, 2018 - Muli siyang nahimatay dahil hindi kinaya ang labis na pananakit ng kanyang ulo. Siya ay in-admit muli sa pinagdalhan sa kanyang ospital sa Quezon Province.
Marso 11, 2018 - Dinala siya sa isang pediatrician at siya ay binigyan ng bitamina.
Hunyo 16, 2018 - Siya ay nagkaroon ng stiff neck kaya siya ay dinala ng kanyang mga magulang sa isang ophthalmologist dahil doon at sa pagmumuta niya. Sinabi ng doktor na infection ang sanhi ng pagmumuta nito. Binigyan siya ng eye droplet para rito.
Ikatlong linggo ng Hunyo 2018 - Umuubo siya at isinusuka niya ang kanyang mga kinakain.
Hulyo 3, 2018 - Pinatingnan siya sa isang clinic sa Camarines Sur. Pansamantala ay pinainom siya ng gamot sa pagkahilo at siya ay nasweruhan at ni-refer sila ulit sa nabanggit na ospital sa Lucena City. Ayon sa doktor, kailangan siyang i-EEG (electroencephalogram).
Hulyo 4, 2018 - Alas-8:00 ng umaga, kinombulsiyon siya at naulit ito. Siya ay kinabitan ng oxygen dahil hirap siyang huminga. Nagsusuka rin siya nang araw na ‘yun. Ala-1:00 ng hapon, hindi na niya maigalaw ang kanang binti na parang naparalisado.
Hulyo 9, 2018- Alas-11:00 ng umaga nang siya ay muling matulog, subalit nang gumising siya ay nawalan na siya ng lakas ng katawan at hirap gumalaw.
Hulyo 10 -11, 2018 - Tuluyan nang naparalisa ang kanang bahagi ng kanyang katawan. Sa sumunod na araw ay hindi na siya makagalaw.
Hulyo 12, 2018 - Alas-9:00 ng umaga, pabugso-bugso ang kanyang paghinga at siya ay nag-agaw buhay. Alas-10:00 ng umaga, tuluyan na siyang pumanaw. Sa kanyang Certificate of Death, ang dahilan ng kanyang pagkamatay ay “CNS Infection” (Immediate Cause), “PCAP-C” (Antecedent Cause).
Anang kanyang mga magulang sa kanyang pagkamatay:
“Napakasakit para sa amin ang biglang pagpanaw ni John Harry. Hindi ipinaliwanag nang maigi sa amin kung ano ang bakunang isinaksak sa kanya. Inimbitahan lamang ako (Cristina) sa isang meeting kung saan ipinaalam sa amin na magkakaroon ng pagbabakuna kontra dengue ang DOH. Mahal diumano ang bakuna, ngunit ibibigay nang libre sa mga bata. Hindi pa nagkakaroon ng dengue ang aming anak bago siya maturukan ng Dengvaxia, at walang ibang kakaiba o bagong gamot o kemikal na pumasok sa katawan niya kundi ang nasabing bakuna.
Dahil sa kanyang karamdaman, si John Harry ay nakakalimot na. Nawa sa kanyang kinalalagyan ngayon ay kanyang maalala ang paglapit ng kanyang mga magulang sa PAO, at ang aming patuloy na pagpupunyagi sa kanyang kaso — upang ang mga ito sana ay makapagbigay sa kanya ng saya.
Kommentare