ni Ryan Sison - @Boses | October 05, 2021
Sa kabila ng pagpapatuloy ng implementasyon ng Alert Level 4 sa National Capital Region (NCR), ibig sabihin ay tuluy-tuloy din ang mga pag-iingat.
Matatandaang sa ilalim ng Alert Level 4, pinapayagan ang outdoor exercise sa lahat ng edad, kahit may comorbidity at anuman ang vaccination status. Ngunit kasabay nito, kailangan pa ring sumunod sa mga umiiral na minimum health standards tulad ng pagsusuot ng facemask at pagsunod sa social distancing.
Pero sa halip na sumunod sa mga itinakdang panuntunan habang nasa labas ng tahanan, tila nakalimot yata ang ilan nating kababayan at nakuha pang magrelaks.
Kaugnay nito, 50 katao ang natiketan sa Pasay City dahil nahuling lumalangoy sa Manila Bay.
Kumalat din sa social media ang ilang larawan kung saan makikitang kabilang sa mga dumagsa ay pawang mga bata at hindi na nasunod ang social distancing.
At nang dumating ang mga pulis, agad na pinaahon ang mga nagtatampisaw. Gayundin, pinagiba ng mga awtoridad ang mga make-shift na bahay na tinitirhan ng mga mangingisdang taga-Cavite.
Kung tutuusin, hindi ito ang unang pagkakataon na dinagsa ang Manila Bay sa kabila ng umiiral na quarantine protocols. Ang masaklap pa, kahit paulit-ulit ang mga paalala at babala, heto at patuloy sa paglabag ang ilan nating mga kababayan. Tipong todo-pasaway tapos kapag nagkasakit, gobyerno ang sisisihin. Tsk!
Minsan, hindi tuloy natin malaman kung sino ang dapat sisihin sa ating sitwasyon — ang mga pasaway nating kababayan o palpak na pagresponde ng pamahalaan?
Gayunman, ‘wag nating kalimutan na hindi lamang gobyerno ang dapat na magsikap dito dahil tayong mamamayan ay may dapat ding gawin.
Tandaan na tungkulin nating maging responsable sa lahat ng pagkakataon at hindi kung kailan lang natin gusto dahil nasa paligid lang ang virus at naghihintay ng mabibiktima.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments