top of page
Search
BULGAR

Paulit-ulit na lagnat...

Nawalan ng panlasa at nanlabo ang mga mata, dinanas ng 12-anyos bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 18, 2020


Naging palaisipan kay Gng. Corazon O. Malagum ng Bulacan ang pagtanggi ng kanyang anak na si Rolando Malagum sa mga bagay na dati nitong kinagigiliwan tulad ng pagkain ng kanyang mga niluluto at pag-inom ng kanyang bitamina. May mga pag-aaruga rin si Gng. Malagum kay Rolando, tulad ng paghipo sa ulo ng kanyang anak kapag pinaliliguan niya ito, na inireklamo ni Rolando dahil sa matinding kadahilanang babanggitin sa ibaba.

Si Rolando ay 12-anyos nang namatay noong Pebrero 18, 2017. Siya ang ika-32 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.



Si Rolando ay naturukan ng Dengvaxia sa isang paaralan noong Hunyo 14, 2016. Narito ang pagkakaalala ng kanyang ina tungkol sa pagkakabakuna kay Rolando:

“Bago mabakunanhan si Rolando ay may ibinigay siya sa akin na isang maliit na papel. Sabi niya, pinapipirmahan ‘yun ng kanyang guro para sa aking pagpayag na siya ay mabakunahan ng bakuna kontra dengue. Dahil sa kagustuhan na maprotektahan siya ay pinirmahan ko ang nasabing papel na walang sulat.”

Pagkatapos niyang mabakunahan ay nagkalagnat siya. Nang bigyan siya ng Biogesic, umayos naman ang pakiramdam niya, ngunit nagpabalik-balik ang kanyang lagnat at tulad ng nabanggit, may mga ipinag-alala si Gng. Malagum sa sumunod na ikinilos ni Rolando.

“Palagi siyang nagrereklamo na walang lasa ang pagkaing niluluto ko. Lagi rin siyang nahihilo at ayaw niyang magpahipo sa kanyang ulo kapag pinaliliguan ko. Nagrereklamo siyang masakit ang kanyang ulo at palaging basa ang kanyang dumi. Lusaw ang kanyang dumi at kung ano ang kanyang kinain ay ‘yun din ang dumi niya. Ayaw din niyang uminom ng kanyang bitamina na reseta ng kanyang doktor dahil ang katwiran niya ay sumasakit ang kanyang tiyan kapag uminom siya nito.”

Napansin din ni Gng. Malagum na parang nauupos, umiitim at lumiliit ang katawan ni Rolando. Lumalabo rin ang kanyang mga mata. Lalong tumindi ang kanyang kalagayan hanggang Oktubre, 2016. Ayon sa kanyang ina, “Habang nagsasakristan sa piyesta ay dumaing siya na sumakit ang kanyang ulo at dibdib at siya raw ay nahihilo, ayon sa kanyang mga kasamahan.” Noong Nobyembre, 2016, tumindi ang pananakit ng tiyan niya at pabalik-balik ang kanyang lagnat, pero pinilit pa rin niyang makapasok sa eskuwelahan.

Pagdating ng 2017, nadagdagan pa ang nararamdaman ni Rolando at nagsimulang lumala ang kanyang kalagayan. Narito ang ilan sa mga detalye ng mga pangyayaring ‘yun:

1. Enero 17, 2017 - Pumunta sina Gng. Malagum sa GMA sa Kapwa Ko Mahal Ko upang humingi ng tulong para sa operasyon ng kanyang mga mata. Nagsabi rin si Rolando na lumalabo rin ang kanyang mga mata. Pinayuhan si Gng. Malagum ng mga nasa Kapwa Ko Mahal Ko na patingnan ang mga mata ng kanyang anak dahil malabo na diumano ang mga ito.

2. Pebrero 9, 2017 - Pagsapit ng Pebrero, madalang na umihi at dumumi si Rolando. Noong ikalawang linggo ng Pebrero, 2017, madalas siyang nakahiga at hindi na pumasok sa eskuwelahan mula Pebrero 9, 2017 dahil sa lagnat, pananakit ng tiyan at pagkahilo.

3. Pebrero 16, 2017 - Dahil hindi pa rin nawawala ang lagnat ni Rolando, dinala siya ni Gng. Malagum sa isang ospital sa Bulacan. Niresetahan siya ng Biogesic at antibiotics, tapos bumalik na sila sa kanilang bahay. Hindi nakatulog buong magdamag si Rolando dahil sa sama ng kanyang pakiramdam.

Ang mga petsang Pebrero 17 at 18, 2017 ang mga naging kritikal na sandali ni Rolando. Noong Pebrero 17, 2017, nakahiga lang siya dahil sa lagnat at pananakit ng tiyan at ulo. Noong Pebrero 18, 2017, alas-10:30 ng gabi ay dinala si Rolando sa isang ospital sa Bulacan dahil nahihirapan siyang huminga. Nagreklamo rin siya ng pagkaduling at parang wala siya sa sarili sa mga oras na ‘yun. Pagdating sa ospital, agad siyang dinala sa ICU saka in-intubate. Pagkalipas ng 30 minuto, pumanaw na si Rolando.

Sa pagkamatay ni Rolando, narito ang nasabi ni Gng. Malagum:

“Hindi ko maintindihan kung bakit nagkaroon ng pneumonia si Rolando, samantalang hindi pa nagkakasakit ang aking anak. Hindi pa siya nakatikim ng antibiotics bago siya mabakunahan ng bakuna kontra dengue.

“Noong naglalabasan na ang mga balita tungkol sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia, roon na namin naisip na ‘yun ang naging dahilan kaya namatay si Rolando dahil nagkaroon lamang siya ng kakaibang karamdaman nang siya ay mabakunahan. Kaya naman naisipan kong lumapit sa Sumbungan ng Bayan ng GMA News and Public Affairs para ihingi ng tulong ang pagkamatay ng aking anak dahil naniniwala akong Dengvaxia ang naging dahilan ng maaga niyang kamatayan. Ako naman ay binigyan nila ng sulat papunta sa opisina ng Public Attorney's Office (PAO).”

Ang nasabing sulat ay nagsilbing tulay nina Gng. Malagum patungo sa PAO upang matulungan ang kanilang pamilya sa kaso ni Rolando ng aming tanggapan, ng inyong lingkod at PAO Forensic Team. Ang koordinasyon sa amin ng media at iba pang mga institusyon ay nagsisilbing daluyan ng pagmamalasakitan na ipinagpapatuloy ng PAO hanggang sa makamit ang hustisya para sa mga katulad ng yumaong si Rolando. Nagpapasalamat ang PAO sa pagtitiwala ng mga nasabing institusyon. Amin itong patuloy na iingatan at higit pang palalaguin sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod at walang takot na paninindigan sa ngalan ng katotohanan at katarungan.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page