ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | July 15, 2023
Nitong mga nakaraang linggo, naging maingay ang usap-usapan tungkol sa bagong campaign ad ng Department of Tourism. Maganda naman sana, kaya lang, natumbok na ‘yung ilang stock photos na ginamit sa advertisement ay hindi tourist spots dito sa Pilipinas kundi mula sa ibang bansa.
Kasabay ng pagpapalit ng DOT ng campaign slogan, mula sa 12-taon nang It’s More Fun in the Philippines na naging “Love the Philippines” ay inilunsad din ang campaign ad. At du’n na nga nagsimula ang ingay ng publiko dahil sa mga litratong hindi naman daw sa atin.
Totoo naman -- nakadidismaya. Totoo naman, parang nakakalungkot na umabot sa ganu’n. Pero ang mahalaga rito, hindi naman inupuan na lang ni DOT Secretary Christina Frasco ang pangyayari. Agad siyang umaksyon at pinutol ang kontrata ng DOT sa ad agency na siya naman talagang ugat ng pagkakamali.
Tungkol sa bagong DOT slogan, wala naman tayong nakikitang mali, sa totoo lang. Hindi lang naman tayong mga Pilipino ang hinihikayat na mahalin natin ang ating bansa, kundi maging ang mga turista o mga dayuhang bibisita sa atin. Marami tayong magagandang tanawin at walang dahilan para hindi tayo mahalin ng mga mamamangha sa ganda ng ating mga tourist destination.
May mga naririnig tayo na nagsasabing hiyang-hiya raw sila sa nangyaring ito sa DOT campaign ad bilang Pilipino. Sabihin na nating nakakahiya nga, pero mas may nakakahiya pa ba nu’ng ilang turista o dayuhan ang nahimpil sa ating paliparan nang ilang oras?
Kung ‘yung campaign ad lang ang sasabihin nating nakakahiya, paano na lang ‘yung paliparan na unang-unang destinasyon na lalapagan ng ating mga bisita? Kumbaga, “first impressions last.”
‘Yung gutom, antok, init at pagod nila nu’ng na-delay ang flights dahil sa kapabayaan sa paliparan, mas malaking kahihiyan ‘yun. ‘Yung makikita mong natutulog na lang sila sa sahig o kaya naman nakasalampak na lang dahil sa pagkainip -- nakakahiya talaga ‘yun.
Hindi naman campaign ad ang una nilang makikita paglapag nila sa airport, ‘yung pasilidad mismo. Dapat, doon pa lang, ma-impress na natin sila.
Liban pa r’yan sa flight delays na ‘yan, and’yan din ‘yung mga pagkawala ng kuryente sa airport.
Napapadalas ngayon ‘yan.
Kung matatandaan n’yo, nu’ng June 9, 2023, nag-blackout sa NAIA Terminal 3. Isang oras na walang kuryente. Ang resulta, napakahabang pila ng mga pasahero sa Immigration counters.
Malaki rin ang naging epekto nu’n sa napakaraming flights nang araw na ‘yun. Pang-apat na ‘yan mula pa noong Setyembre nang nakaraang taon. At kung matatandaan n’yo, bagong taon na bagong taon nitong January 1, 2023, nawalan ng kuryente ang central air traffic control system ng NAIA. Maraming flights ang na-delay at na-cancel at ang iba, na-divert. Umabot sa 56,000 pasahero ang lubhang naapektuhan ng naturang pangyayari. Paulit-ulit na lang ang mga sablay na ‘yan sa paliparan na talagang mas kahiya-hiya.
Sa tingin natin, kung meron mang bagay na magpapabawas sa tourist arrivals natin, ay itong mga problemang nangyayari sa ating paliparan. Kaya dapat, maging alerto ang mga awtoridad natin d’yan para masigurong ligtas at hindi na daranas ng kapalpakan ang mga bisita o ang mga kababayan nating lalapag sa paliparan.
Sa totoo lang, napakaganda ng takbo ng turismo natin sa kasalukuyan lalo na at kababangon lang natin sa pandemya. Sa datos mula sa DOT, lumalabas na 2.7 milyong turista ang pumasok sa bansa sa unang bahagi ng taon. Kaya nga malaki ang tiwala ng DOT at ng mga tourism stakeholder na lalampasan pa natin ang 4.8 million international tourist arrivals bago magtapos ang 2023.
Batid naman siguro nating lahat na isa ang turismo sa mga aspetong nagpapalakas sa ekonomiya ng isang bansa. Marami sa mga lalawigan natin, nakasandig sa kanilang turismo dahil sila ang dinarayo ng mga bisita dahil sa ganda ng kani-kanilang lugar.
Isa pa, turismo rin ang nagiging daan upang magkaroon ng trabaho ang mga kababayan natin at nakalilikha rin ito ng mga negosyo. Sa datos ng Philippine Statistics Authority o PSA, mahigit 5 milyong indibidwal ang nagkatrabaho sa tourism industry nu’ng nakaraang taon (2022).
Lumalabas na 9.3% na mas mataas kaysa 4.9 million na narehistro noong 2021 kung saan humahagupit pa sa atin ang pandemya. Sa total employment sa bansa, kinakatawan ng turismo ang 11%, at may 6.2% total economic output sa Pilipinas. Kaya malaking bagay talaga ang turismo sa ating pag-unlad.
Hindi naman natin sinasabi na walang dahilan para malungkot o madismaya tayo du’n sa nangyari sa DOT campaign ad, pero ang punto lang natin dito, kung mayroon tayong mas dapat problemahin ay ang ating imprastraktura. Ito ang dapat na mas pinauunlad dahil ito ang sentro ng turismo.
Tiwala po tayo na sa ilalim ng administrasyong Marcos, mas marami pang infra projects ang matatapos dahil base sa ating 2023 GAA o national budget, nakapaglaan tayo ng P17.7 bilyon sa Tourism Road Infrastructure Program (TRIP). Tayo po ay patuloy na susuporta sa programang ito lalo na sa ilalim ng 2024 national budget na tatalakayin na ng Kamara at Senado sa mga darating na buwan.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
תגובות